MULING pinagtibay ni Acting PNP Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang pangako niyang gawing mas mahusay at mas matatag ang hanay ng pulisya nang personal niyang bisitahin ang Philippine National Police Academy (PNPA) nitong Huwebes ng umaga, November 13, 2025.
Bitbit ni Nartatez ang malinaw na mensahe: kung gusto ng PNP ng tunay na pagbabago, dito mismo dapat magsimula — sa kalidad ng police education at sa mga taong humuhubog sa susunod na henerasyon ng opisyal. Sa pulong kasama si Acting PNPA Director PBGEN Andre Perez Dizon at iba pang opisyal, iginiit ni Nartatez na ang disiplina, integridad, at tapat na serbisyo ay dapat na nakaugat na sa mga kadete bago pa man sila ibaba sa field.
Tinalakay sa pulong ang modernisasyon ng PNPA — mula sa pagpapaganda ng pasilidad at pag-a-upgrade ng training equipment, hanggang sa pagpapatibay ng academic at leadership programs. Kasama rito ang pagsasaayos ng cadet barracks, faculty offices, at workspaces ng mga empleyado, bilang tugon sa direktiba ng PNP leadership na gawing mas handa at mas kompetitibo ang mga kadete.
Pero hindi lang imprastruktura ang tanong. Ayon kay Nartatez, kasingbigat ng mga bagong kagamitan ang paglikha ng kapaligirang nagtatanim ng disiplina, katapatan, at malasakit sa kapwa — mga ugaling dapat natural na baon ng bawat opisyal paglabas ng akademya.
Binigyang-linaw rin niya ang direksyon ng PNP sa ilalim ng kanyang pamumuno: “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” — isang organisasyong moderno, may prinsipyo, at konektado sa komunidad.
Sa kanyang pagbisita sa PNPA, ipinakita ni Nartatez na seryoso ang PNP sa pagpapatibay ng pundasyon ng pagsasanay. Mula sa pag-unlad ng akademya hanggang sa pagpapalakas sa mga tagapagturo, malinaw ang mensahe: nakaugat ang tunay na lakas ng PNP sa de-kalidad na training at sa mabuting karakter ng mga opisyal na hinuhubog nito.
44
