WALANG nakikitang dahilan ang OCTA Research sa kasalukuyan upang hindi maibaba sa Alert Level 2 ang Metro Manila sa huling dalawang linggo ng Nobyembre.
Pahayag ito ni OCTA Research Team Dr. Guido David, sa gitna pa rin ng panawagan ng mga negosyante na ibaba na sa Alert Level 2 ang NCR, upang mas maraming negosyo ang makabalik sa operasyon.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Dr. David na wala naman silang nakikitang bagong variant na maikukonsiderang mapanganib sa ngayon.
Ang napapabalita aniya na Delta Plus variant sa UK at Russia ay wala pa sa Pilipinas.
Bukod dito, mataas na rin ang vaccination rate sa Metro Manila, kaya’t bumababa ang tyansa na magkaroon nang muling pagkahawa, dahil mas marami na ang protektado laban sa virus.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit suportado ng OCTA Research ang pagbaba sa Alert Level 2 ng Metro Manila. (CHRISTIAN DALE)
