LILIMITAHAN ang operasyon ng Pasig River Ferry Service mula sa Pinagbuhatan Station hanggang Sta. Ana, Manila Station sa Huwebes.
Paliwanag ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Armand Balilo, ang “No Sail Zone” ay parte ng seguridad para sa inagurasyon ni PBBM.
Alinsunod dito, ipagbabawal ang lahat ng uri ng “water transportation modes” sa loob ng 3 nautical miles ng Ilog Pasig at Manila Bay.
Nag-abiso na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Pasig River Ferry Service na “No Sail Zone” sa ilang parte ng Ilog Pasig sa nasabing araw.
Partikular dito ang Pier 13, Muelle De San Francisco, Port Area sa Maynila, Manila Bridge, Ayala Bridge at Malacañang area.
TF Manila Shield
aktibo na
ACTIVATED na ang Task Force Manila Shield simula kahapon o tatlong araw bago ang makasaysayang inagurasyon ng susunod na Pangulo.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), handang-handa na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa nalalapit na inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, sa ilalim ng TF Manila Shield magpapatupad ng mas mahigpit na seguridad sa paligid ng National Museum kung saan opisyal na manunumpa sa tungkulin ang ika-17 Pangulo ng bansa.
Umiiral na rin aniya ang gun ban at sa mga susunod na araw ay magpapatupad ng karagdagang road closures.
Sa kabila nito, sinabi ng opisyal na wala silang namo-monitor na seryosong banta sa inagurasyon ni PBBM.
Ayon kay Police Lt. Colonel Jenny Tecson, tagapagsalita ng National Capital Region Police Office, 13,846 NCRPO personnel; 1,061 dito ang mula sa Philippine National Police support units; at 3,432 personnel mula sa allied agencies at force multipliers ang bahagi ng magtitiyak ng seguridad sa inagurasyon.
Kasabay nito, umapela ang PNP sa mga nagbabalak magsagawa ng kilos protesta na kung maari ay kanselahin na lamang ito.
Pero kung magpupumilit aniya ang iba’t ibang grupo, papayagan ang mga ito na magsagawa ng kilos protesta sa Freedom parks lamang.
Halimbawa na ang Plaza Miranda, Plaza Dilao, at Liwasang Bonifacio.
Hindi kasi aniya papayagan ng PNP ang mga kilos protesta malapit sa National Museum.
Tiniyak din ng PNP na paiiralin ang maximum tolerance sa araw ng inagurasyon.
TF Bicol ikinasa
na rin ng PRO5
Samantala, in-activate na rin ng PNP Police Regional Office 5 ang Task Force Bicol Shield.
Ang task force ay opisyal na pinakilos eksaktong 12:00 kamakalawa ng tanghali (June 27).
Bahagi ng inilatag na security preparation ang pagpapairal ng dalawampu’t pitong (27) City/Municipal Police Stations mula sa apat na Police Provincial Office at isang City Police Office ng 24/7 checkpoint sa kahabaan ng Maharlika Hi-way mula Matnog, Sorsogon hanggang Sta. Elena, Camarines Norte.
Bukod dito, inatasan din ni PBGen. Mario A. Reyes, RD, PRO5 ang lahat ng lower units na magsagawa ng police and mobile visibility para matutukan ang kasalukuyang peace and security situation sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
“The unit also established its RSSF from RHQ while the CDM from all the PPOs and CPO is on alert to respond to any eventualities that may happen during the period,” ani Major Malou Calubaquib tagapagsalita ng PNP Bicol.
“The creation of the Task Force Bicol Shield is in anticipation of the possible events and circumstances that may arise on the coming of the new administration. Likewise, we shall not cease to adhere with the protocols and standards to keep the community safe,” ani RD Reyes.
Higit 2K troops
lalahok sa parada
Sa kabilang dako, tinatayang may 2,213 security personnel ang sasama sa military parade mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police (PNP).
“We have a total of 2,213 troops na mag-participate sa military parade,” ang pahayag ni Joint Task Force National Capital Region commander Brigadier General Marceliano Teofilo.
Idinagdag pa nito na lalahok din ang ilang kadete mula sa Philippine Military Academy at Philippine National Police Academy at maging ang mga regular at special troops.
Makikita rin sa military parade ang armored vehicles at artillery equipment, gayundin ang flyby ng military air assets gaya ng “planes and choppers.”
Para sa civic composition ng military parade, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority Chairperson Romando Artes na ang mga kinatawan ng sektor ng medical frontliners, overseas Filipino workers, athletes, labor force, agriculture, transportation, metro aides, at iba pa ay makikiisa rin.
Sinabi naman ni NCRPO chief Police Major General Felipe Natividad na may 1,250 “VIPs at VVIPs” ang inaasahan dadalo sa oath-taking event.
“We are expecting 1,250 — those are VIPs and VVIPs. That is aside from the ‘yung mga pupunta nating mga kababayan doon,” anito.
Ang incoming Office of the President at PNP Police Security and Protection Group ang nakatoka sa heads of states.
Ani DILG Sec. Eduardo Año, ang VIPs ay pupunta muna sa Philippine International Convention Center para sa screening. Tinatayang 60 buses ang magsasakay sa mga ito para dalhin sila sa National Museum.
Pinag-uusapan na ng mga alkalde ng Kalakhang Maynila ang posibleng deklarasyon na “holiday” sa kani-kanilang lugar sa araw ng inagurasyon ni Marcos. (RENE CRISOSTOMO/JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)
198
