Sa kabila ng ‘nakalibing’ na mga sabungero BFAR: TAWILIS SA TAAL LAKE LIGTAS PA RING KAININ

NILINAW ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR, na ligtas pa ring kainin ang mga isda mula sa Taal Lake gaya ng tawilis at tilapia.

Ito ay sa gitna ng panawagan sa gobyerno ng mga kaanak ng nawawalang mga sabungero na simulan na ang diving operations sa Taal Lake kung saan sinasabing itinapon ang bangkay ng mga sabungero.

Magugunitang isiniwalat ng isang whistleblower kaugnay sa nawawalang mga sabungero, na itinapon ‘di umano ang kanilang bangkay sa nasabing lawa.

Ayon kay BFAR Chief Information Officer Nazario Briguera, walang dapat ipangamba ang publiko sa pagkain at pagbili ng tawilis dahil ito ay isang small pelagic fish at ang tanging kinakain nito ay mga plankton o ‘yong maliliit na organismo na matatagpuan sa tubig.

Bukod sa ang tawilis ay maliliit na isda na nananatili sa mababaw na tubig at ang kinakain ay planktons, ay hindi sila carnivorous.

Nilinaw rin ni Briguera na ang iba pang mga isda, gaya ng tilapia at bangus, ay karaniwang inaalagaan sa fish pens, at hindi malayang nakalalangoy sa Taal Lake kaya ligtas din kainin ang mga ito dahil nananatili lamang ito sa isang lugar na may harang.

Nitong nakalipas na mga araw ay napabalitang apektado na umano ang kabuhayan ng mga mangingisda sa Taal Lake na isa sa pangunahing pinagkukunan ng suplay ng tilapia at bangus sa Metro Manila at CALABARZON, dahil sa paghina ng bentahan ng mga isda mula sa lawa bunsod ng balita hinggil sa nawawalang mga sabungero.

(JESSE KABEL RUIZ)

65

Related posts

Leave a Comment