MR NI MANILA REP. JOEY UY IBINASURA NG COMELEC

NANINDIGAN ang Commission on Elections (Comelec) na walang bisa ang pagkapanalo at proklamasyon kay Luis Joey Chua Uy na nanalo bilang kongresista sa ika-6 na distrito ng Maynila sa nakaraang halalan.

Sa desisyon ng Comelec en Banc, ibinasura nito ang motion for reconsideration na inihain ni Uy kaugnay sa pagbawi sa kanyang pagkapanalo at proklamasyon.

Giit ng en banc, nakabatay ang desisyon ng Comelec 2nd Division sa Section 6, Article 6 ng Konstitusyon na nagsasaad na hindi natural-born Filipino citizen ang respondent na si Uy kung kaya’t ang pagkapanalo niya at proklamasyon ay walang bisa.

Iginiit pa ng Comelec, base ang desisyon sa itinakda ng 1935 Constitution na nakasasakop sa isyu ng citizenship ng kandidato.

Inatasan ng Comelec ang Board of Canvassers ng Lungsod ng Maynila na muling magtipon-tipon para iproklama si Cong. Bienvenido Abante Jr., ang nag-iisang kalaban sa puwesto, bilang nahalal na miyembro ng House of Representatives para sa 6th District ng Maynila.

Samantala, hindi kasama sa mga nagdesisyon hinggil dito sina Comelec Chairman George Garcia na may kaugnayan sa isa sa partido sa kaso, at si Commissioner Ernest Maceda na dating miyembro ng Konseho ng Maynila.

(JOCELYN DOMENDEN)

112

Related posts

Leave a Comment