INIHAYAG ni PNP chief, PGen. Nicolas Torre III, mayroon siyang inalis na isang city chief of police sa lalawigan ng Rizal.
Sa flag raising ceremony nitong Lunes ng umaga sa Camp Crame, sinabi ni Torre na kanyang inalis sa pwesto ang hepe dahil sa “diskarteng tamad” ng mga tauhan nito.
Tanging ang Antipolo City ang nag-iisang siyudad sa lalawigan ng Rizal. Batay sa nakalap ng Saksi Ngayon, ang dating OIC ng Antipolo Component City Police Station na si PLt. Col. Mark Henry Garcia ay pinalitan ni PLt. Col. Jaime S. Pederio.
Sinabi ni PNP Chief Torre, napakasimple lang ng sitwasyon, nitong weekend, may isang negosyante ang ninakawan ng P600,000 ng dalawa nitong tauhan, at nag-report ito sa police station.
Ang tanging ginawa lang umano ng police station ay binigyan ng “blotter extract” ang complainant at pinauwi na.
Nakarating ang nasabing insidente kay Torre at nakulangan sa aksyon kaya kanyang pinakilos ang Rizal Provincial Police Office.
Tinawagan ng Rizal Provincial Police Office ang Negros Police na address ng isa sa mga suspek, at dito nila naaresto ang suspek na hawak pa ang P500,000.
(TOTO NABAJA)
