(CHRISTIAN DALE)
MULING sinuspinde ng Malakanyang ang pasok sa trabaho sa gobyerno at klase sa lahat ng antas sa Metro Manila at malaking bahagi ng Luzon ngayong Miyerkoles, Hulyo 23, 2025, bunsod na rin ng patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na dala ng Southwest Monsoon.
Epektibo ang kautusan sa mga lalawigan ng Pangasinan, Zambales, Tarlac, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Masbate, Sorsogon, Albay, Camarines Sur, Catanduanes, Palawan, Antique, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Laguna at Negros Occidental.
Ito ay batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Nakasaad sa Memorandum Circular No. 90 na inilabas nitong Martes, Hulyo 22, na tinintahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, ang mga ahensya na responsable sa ‘basic, vital at health services’, paghahanda at mga tungkulin sa pagtugon ay dapat na magpatuloy at manatiling operational upang matiyak na nagpapatuloy ang mahahalagang ginagawa ng gobyerno sa kabila ng nasabing deklarasyon ng work suspension.
“Non-vital government employees of subject agencies and all other government employees may be negated under approved alternate work arrangements, subject to applicable law, rules and regulations.” ayon sa MC No.90.
Sa kabilang dako, ang localized cancellation o suspensyon ng klase at/ o trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno sa ibang rehiyon ay maaaring ipatupad ng kani-kanilang Local Chief Executive, alinsunod sa kaugnay na batas at rules and regulations.
Samantala, ipinauubaya naman na ng Malakanyang ang suspensyon ng trabaho sa pribadong kompanya at tanggapan sa diskresyon ng kani-kanilang pinuno.
