ISINISI ni Senador Loren Legarda sa kawalan ng disiplina ng marami ang malawakang pagbaha sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa dulot ng matinding pag-ulan dala ng Habagat.
Sinabi ni Legarda na puno ng basura ang mga daluyan ng tubig tulad ng mga kanal, estero at maging mga ilog.
Bukod dito, tinayuan na rin ng mga bahay, gusali at iba’t ibang istruktura ang waterways kaya’t hindi makadaloy nang maayos ang tubig.
Binanggit din ng senador ang walang disiplinang pagtatapon ng mga basura sa dagat mula sa mga dumaraang bangka, barko o iba pang sasakyang pandagat.
Kaya naman, iginiit ng mambabatas na mahalaga ang implementasyon ng Ecological Solid Waste Management Act partikular ang paghihiwalay ng mga basurang nabubulok at hindi nabubulok.
Hindi na rin dapat gumamit ng single use plastic at huwag magtapon ng plastic, bote at lata sa kalsada, sa tabing bahay, sa open dumpsite lalo’t ito ay bawal sa batas.
Kailangan anyang tanggalin ang lahat ng mga bahay, gusali at mga istruktura na nakaharang sa mga daluyan ng tubig at pagtulungang linisin ang mga waterways.
Ipinaalala ng mambabatas na ang dagat at ilog ay nagbibigay buhay at hindi mga basurahan kaya’t dapat lamang alagaan.
Reclamation Projects
Sa Kamara naman, muling ang reclamation projects sa Manila Bay na pinaniniwalaang siyang nagpalala sa baha sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Kahapon ay hiniling ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio sa Kamara na magkasa ng imbestigasyon kasunod ng malalang pagbaha ng naranasan sa Metro Manila at karatig lalawigan tulad ng Pampanga.
“The link between large-scale reclamation and heightened flooding risk is clear—these projects destroy our natural coastal defenses and disrupt the environment. We must hold to account those who prioritize profit over the safety and welfare of Metro Manila’s residents,” ani Tinio.
Sinabi ng mambabatas na bilyon-bilyong piso ang ginastos ng gobyerno sa flood control projects subalit nananatiling nakalubog ang mga tao sa baha kapag may bagyo.
Naniniwala ang mambabatas na ang mga reclamation project ang nagpalala rin sa baha na hindi aniya dapat ipagwalang-bahala ng Kongreso.
“Ang mga proyektong reklamasyon ay hindi lamang sumisira sa kalikasan, kundi direkta ring nagbabantang magpalala ng pagbaha sa Kamaynilaan at kalapit na mga probinsya. Tinatamaan dito ang mga maralita, mga guro, at mga estudyante na araw-araw ang sakripisyo para makapasok sa eskwela at trabaho,” paliwanag ni Tinio. (DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)
