Sa muling pag-aalburoto ng Bulusan 4 BAYAN NATAKPAN NG ASHFALL

MADALING araw nitong Linggo ay muling nataranta ang maraming residente sa ilang bayan nang muling sumabog ang Bulkang Bulusan sa Sorsogon, na ayon sa mga awtoridad ay mas malakas kompara sa pagputok nito noong nakaraang linggo kaya nagkaroon muli ng paglilikas.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), alas-3:37 ng madaling araw nang muling magkaroon ng phreatic eruption ang bulkan, na tumagal ng 18 minuto.

“Base sa earthquake signal, kasi may mga signal ‘yung mga eruptions, mas malakas… ngayon itong kaninang madaling araw (kahapon),” sabi ni Phivolcs Director Renato Solidum.

Bagaman wala pang dahilan para itaas ang alert level ng bulkan, na nasa Level 1 pa rin, subalit nagbabala si Solidum na patuloy  pa ring mararanasan ang pag-aalburuto ng bulkan at posible pa ang susunod na mga pagputok.

“Ang character naman ng Bulusan Volcano ay ‘yung ganyan. May mga pasulpot-sulpot na eruption na hindi lang isang beses and then titigil na. Kaya marami siya na multiple phreatic events magmula pa noong many years ago,” paliwanag ni Solidum.

Dahil sa pagsabog, nabagsakan ng abo ang maraming barangay sa mga bayan sa paligid ng bulkan, na agad ding nilinis ng mga residente pagsapit ng umaga.

Sinasabing may 12 barangay sa bayan ng Juban, Sorsogon ang nasapol ng pagbagsak ng abo gayundin ang mga bayan ng Irosin, Casiguran at Castilla.

Agad namang kumilos ang mga tauhan ng Philippine Army, PNP Philippine Coast Guard habang agad ding nagsagawa ng flushing ng mga abo sa kalsada ang Bureau of Fire Protection, at umalalay sa trapiko ang pulisya.

Noong nakaraang Biyernes, may babala na mauulit ang ‘phreatic eruption’ anumang oras matapos ang unang insidente eksaktong isang linggo ang nakalipas.

May 105 pamilya na binubuo ng 340 indibidwal mula sa Barangay Puting Sapa sa bayan ng Juban ang kailangang ilikas sa Juban Evacuation Center and Gymnasium.

Sa ngayon, ayon kay Solidum, wala pa silang nakikitang senyales ng posibleng pag-akyat ng magma na maaaring magdulot ng mas malakas na pagsabog. (JESSE KABEL)

139

Related posts

Leave a Comment