Sa nakaambang “Trillion March” PBBM PINATIYAK KATAPATAN NG MILITAR

(CHRISTIAN DALE)

Umaasa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mananatiling tapat ang military sa Saligang Batas at sa mamamayang Pilipino.

“Huwag kalilimutan, ang panunumpa ninyo ay sa Republika at sa bawat Pilipino. Dahil sa inyo, sila ay mabubuhay nang ligtas at may dangal,” pahayag ni Marcos matapos pangunahan ang swearing-in ceremony ng mga bagong promoted na heneral at mataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Giit ng Pangulo, ang promosyon ay hindi lang milestone kundi panibagong panata ng katapatan sa Konstitusyon at sa bayan.

Hinimok din niya ang mga bagong opisyal na kumilos nang may integridad, respeto sa rule of law, at tapang sa pagtatanggol ng demokrasya. Pinaalalahanan pa ang mga ito na maging halimbawa sa kabataang sundalo na titingala sa kanilang pamumuno.

“These new stars you’ll carry will demand your utmost discipline, honor, and service,” ani PBBM.

Kinilala rin ng Pangulo na “well-deserved” ang promosyon, at pinuri ang achievements ng AFP ngayong taon na nagpapatunay ng kanilang dedikasyon at kahandaan sa pagdepensa ng bansa.

Dagdag pa niya, patuloy na pinatitibay ng AFP ang kanilang readiness sa pamamagitan ng training, simulation, at command exercises — para siguraduhin ang mabilis na aksyon sa oras ng panganib.

50K Pulis Handa Na

Samantala, mahigit 50,000 pulis ang ikakalat ng Philippine National Police (PNP) para tiyakin ang seguridad sa inaabangang protest rally sa Setyembre 21 sa Luneta at iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kasunod ito ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa maayos at ligtas na pagpapahayag ng saloobin ng publiko hinggil sa isyu ng korupsyon.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Police Brig. Gen. Randolph Tuaño, kabilang sa deployment ang: 10,000 sa fixed visibility post, 17,000 sa mobile patrol, 3,000 sa trapiko, 9,000 sa checkpoint at border control, 6,000 naka-standby para sa crowd management, 4,500 sa Special Security Force at 413 drone operators.

Giit ng PNP, layunin ng paghahanda na protektahan ang mga makikilahok at mapanatili ang kaayusan sa mga lugar ng kilos-protesta.

Dagdag pa ni Tuaño, paiiralin ang maximum tolerance ng pulisya sa araw ng rally.

Protesta ng Manibela

Mapayapang tinapos ng grupong Manibela ang kanilang kilos-protesta sa PHILCOA, Quezon City ngayong umaga.

Dakong alas-10, naghiwa-hiwalay ang mga miyembro matapos ilabas ang kanilang hinaing laban sa pamahalaan.

Ibinulalas ng grupo ang galit sa mga palpak na flood control projects na anila’y sumisira sa kanilang kabuhayan dahil kapag malakas ang ulan at bumabaha sa Metro Manila, hindi sila makabiyahe.

Kasama rin sa panawagan ng grupo ang pagbabalik ng prangkisa ng traditional jeepney na binawi para sa kontrobersyal na jeepney modernization program.

Ayon kay Quezon City Police District acting director Col. Randy Silvio, nangako ang grupo ni Manibela President Mar Valbuena na maayos nilang tatapusin ang kanilang kilos-protesta.

(May dagdag na ulat sina TOTO NABAJA/PAOLO SANTOS)

49

Related posts

Leave a Comment