PINAYUHAN ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela ang mga residenteng naapektuhan ng halos dalawang araw na sunog sa Titan Rubber sa Barangay Veinte Reales na ingatan ang kanilang kalusugan.
Ayon sa City Hall, kung narakaranas ng pangangati ng lalamunan, pag-ubo, hirap sa paghinga, at iba pang sintomas na maaaring dulot ng pagkalanghap ng usok, huwag mag-atubiling pumunta sa pinakamalapit na health station upang mabigyan ng karampatang lunas.
Noong Disyembre 14 nang nagsimulang masunog ang nasabing pabrika ng goma sa C. Santiago St. sa nasabing barangay ng siyudad.
Dakong alas-3:25 ng hapon, itinaas ang sunog sa unang alarma, ikalawang alarma naman pagsapit ng alas-3:35 ng hapon at agad na umabot sa ikaapat na alarma pagsapit ng 3:48 ng hapon.
Idineklarang fire under control ang sunog dakong 5:45 ng madaling araw noong Huwebes, Disyembre 15 at 11:45 ng gabi tuluyang naapula ang apoy.
Walang iniulat na namatay o nasugatan sa insidente, ngunit tinatayang nasa P45 milyon ang halaga ng naabong ari-arian sa nasabing sunog na inaalam pa ang naging sanhi. (ALAIN AJERO)
