(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)
KWESTYONABLE para sa ilang senador ang pahayag ni Pharmally Pharmaceutical executive Krizle Mago na ‘under pressure’ siya nang aminin sa Senado na nagkaroon ng tampering sa mga face shield na kanilang idineliber sa gobyerno at ang ‘swindling’ ng korporasyon sa pamahalaan.
Sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na dahil nasa kustodiya siya ng Pharmally, wala nang aasahan sa kanya kundi ang pagbawi ng mga nauna niyang testimonya.
“What do you expect- she has been taken into the bosom of Pharmally and interests protective of the administrations’ interest- no matter how vile. Nakipagyakapan na siya sa demonyo, makakawala pa ba iyan?” diin ni Gordon.
Ipinaalala rin ni Gordon na kalmado at ‘very measured manner’ ang naging pagtatanong kay Mago ng mga senador.
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na walang bakas ng anomang pressure ang naging pagsagot ni Mago sa mga senador sa pagharap nito sa pagdinig.
“What is a “pressured response”? Ms Mago’s statement was spontaneous, with no trace of any “pressure” being exerted. The statement was on video, under oath. Note that she did not deny making the statement that the government was swindled,” pahayag ni Drilon.
“Her statement that “she’s not in the best frame of mind to think clearly” is totally self-serving, and does not have any value and cannot be corroborated,” dagdag ng mambabatas.
Tinawag naman ni Senador Kiko Pangilinan si Mago bilang ‘rehearsed witness’ na ang layunin ay magsinungaling at magkabalu-baluktot ang testimonya kahit huling-huli na.
Sa panig ni Senador Koko Pimentel, sinabi nito na ang kredibilidad ni Mago ang masisira at kung anoman ang sasabihin niya ay magiging kaduda-duda na.
“Tandaan ninyo, na yung hearing was a remote hearing, online hearing yun eh. ibig sabihin nun walang taga-Senado, o walang taga-Senate blue ribbon committee o walang senador na nandon sa kwarto kung nasaan sya at mape-pressure ka dahil nakaharap mo yung tao,” paliwanag pa ni Pimentel.
Naniniwala naman si Senador Risa Hontiveros na kung mayroon mang nagpe-pressure kay Mago ay posibleng isa itong
napakamakapangyarihang pwersa para lang bawiin ang kanyang mga naunang sinabi sa Senado.
“Pressured response? It is sad that Ms. Mago feels this way. Telling the truth is a relief. The greatest pressure is to lie,” diin pa ni Hontiveros.
“Pressured
response”
Nauna rito, binawi ni Mago ang kanyang pahayag sa Senado na nagantso ang gobyerno sa idineliber ng mga itong face mask para sa mga medical frontliner.
Sa personal na pagharap ni Mago sa House committee on good government and public accountability na nag-iimbestiga sa P42 billion pondo ng Department of Health (DOH) na ibinigay sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM), itinanggi ni Mago ang alegasyon ng witness ni Hontiveros na pinalitan nila ang expiry date at sira-sira ang idineliber nilang face shield sa gobyerno.
“I deny all allegations made by the unidentified person who appeared in a video presented by Senator Risa Hontiveros during the Senate Blue Ribbon Committee Hearing last September 24, 2021,” ani Mago.
Pinanindigan nito na wala umanong ginawang kabalbalan ang kanilang kumpanya taliwas sa sinabi ng testigo ni Hontiveros.
“Regarding my previous statement that I believed we swindled the government, it was a pressured response. Given the level of pressure I was under and the rush of emotions associated with the allegations and my subsequent admission, I was not in the best frame of mind to think clearly,” ayon sa binasang opening statement ni Mago.
Si Mago ay nagpa-kustodiya sa Kamara noong Biyernes ng gabi matapos ang ilang araw na pagiging ‘incommunicado’.
Tila ginamit din ni Mago ang Kamara para ilabas ang kanyang hinanakit sa pinagdaanan umano nito sa Senado.
Kaugnay nito, sinabi ni Mago na handa siyang harapin ang anomang kaso tulad ng perjury dahil sa kanyang pagbawi sa mga naunang pahayag.
 139
 139
 

 
                             
                            