LUBHANG nakakabahala na ang pagbulusok pababa ng ating ekonomiya. Sa lumalabas na ulat sa mga pahayagan ay umaabot na sa 16.5% ang ibinaba ng ating gross domestic product (GDP) sa
loob ng Q2 o second quarter .
Epekto ito ng pandemya kung saan ay maraming mga kumpanya ang nagsara at maraming mga manggagawa ang tulyan ng nawalan ng trabaho .
Maraming OFW ang hindi nakapagpadala ng kanilang remittance sa kanilang pamilya. Katunayan base sa report ng Bangko Sentral ng Pilipinas ay lagpas pa sa 21% o katumbas lamang ng $1.77
bilyong dolyar ang perang pumasok sa ating bansa mula sa mga land-based workers noong buwan ng Mayo mula sa dating $2.24 Bilyong dolyar noong nakaraang taon.
Samantala ay bumagsak din sa 12.4% o katumbas na $519 million ang ibinaba rin ng remittances ng mga sea-based workers mula sa dati nitong $592 milyon.
Hindi maaring isisi lamang ang lahat sa ating gobyerno ang mga pangyayaring ito, dahil maging ang mga malalaki at progresibong bansa ay lubhang naapektuhan.
Maging tayong mga simpleng mamayan ay may kinalaman sa mga pangyayari na pagbagsak ng ating ekonomiya. Hanggat patuloy na hindi nakiki-isa ang bawat mamayan sa mga panuntunan ng ating gobyerno para mapigilan ang sakit na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ay posibleng magpapatuloy na tayong bumagsak at maranasan ang tinatawag na economic recession.
Nakakalungkot na tila parang iniatang na lamang natin ang obligasyon na ito kay Pangulong Rodrigo Duterte. Gayun ang simpleng utos ng gobyerno na manatili lamang sa mga tahanan ay hindi man lamang natin masunod, kung kaya maraming mga frontliners na rin ang nagbubwis ng buhay.
Isa na rito ang aking kapatid na si Kagawad Severino ” Verong” Umandap ng Barangay Pio del Pilar. Sa kanyang kagustuhan na mapanatili ang barangay na ligtas sa COVID-19 virus, ay kanyang patuloy na ginagawa ang paglilinis at pag-disinfect ng bawat sulok ng mga kalsada ng kanyang barangay.
Upang mahikayat ang mga mamayan na huwag ng lumabas ng tahanan ay pinasimulan din niya ang pamimigay ng mga luto ng pagkain na personal na ibinabahagi sa bawat tahanan
Subalit tila ang mga ilang mamayan ng Pio del Pilar ay hindi man lamang nagpapasindak sa sakit na maaring maidulot ng COVID-19, kung kaya patuloy itong kumakalat at kabilang ang aking kapatid sa nadapuan nito na dahilan ng kanyang maagang kamatayan.
Mabuti na lamang at ang kanyang pamilya ay hindi naman ganap na naapektuhan, ngunit bilang mga responsableng mamayan ay nanatili sila sa loob ng kanilang tahanan upang hindi mabahala ang kanilang mga kabarangay.
Sinasabi ko ito upang mas maging responsable ang bawat mamayan dahil hindi isang biro ang dalang virus ng COVID-19. Hanggat hindi sumusunod ang mamayan sa patakaran ng ating gobyerno ay patuloy na kakalat ang Covid-19 at kasunod nito ang patuloy na pagbagsak ng ating ekonomiya. Dahil ang puno’t dulo ng pagbagsak ng ating ekonomiya ay dulot ng patuloy na pagkalat ng sakit na dulot ng COVID-19.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256
