IKINAKASA na ng Bureau of Immigration (BI) ang plano sa inaasahang pagdagsa muli ng mga dayuhang turista sa bansa makaraang ihayag ng Malacañang ang posibleng pagbubukas ng mga paliparan para sa naturang mga biyahero.
Ani Immigration Commissioner Jaime Morente, sa kabila na kulang ang mga tauhan ng ahensya sa kasalukuyan, nakapaglagay na umano sila ng ‘response plan’ para matugunan ang kakulangang ito.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Carlos Capulong, BI acting port operations chief, na kabilang dito ang pagpapakilos sa mga tauhan ng BI na nakatalaga sa ibang operating units para gampanan ang ibang trabaho tulad ng pag-iinspeksyon at pagsu-supervise sa mga paliparan sa panahon ng pagdagsa ng mga pasahero.
Naghihintay pa umano sila ng desisyon ng Department of Justice (DOJ) sa pagtatalaga ng 195 bagong immigration officers sa labas ng Metro Manila.
“Should the IATF and the Office of the President see that the country is ready, we will be happy to welcome again foreign tourists to our shores,” pahayag ni Morente.
Una nang sinabi ng BI na umabot ng 72% ang pagbagsak ng international arrivals sa bansa ngayong taon kumpara noong 2020. (RENE CRISOSTOMO)
223 