Sa pagkalas ng private hospitals sa PhilHealth MIYEMBRO TABLADO

NAHAHARAP sa panibagong krisis ang health care services sa bansa bunsod ng bantang pagkalas ng mga pribadong ospital dahil anila sa kabiguan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bayaran ang lumolobong utang nito sa kanila.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Private Hospitals Association Inc. (PHAI) president Dr. Jose De Grano na bantulot na ang kanilang hanay na ituloy pa ang ugnayan sa PhilHealth.

Katwiran ni de Grano, mas maiging malugi na lang sila kaysa tuluyang magsara dahil sa patuloy na pagtangging magbayad ng nasabing tanggapan ng pamahalaan para sa serbisyo, paggamit ng laboratoryo, gamot at iba pang serbisyo sa mga pasyenteng gamit ang PhilHealth cards sa pagpapagamot sa kanila.

Sa tala ng PHAI, aabot na sa P13-bilyong halaga ng reimbursement claims ang hindi pa natutugunan ng PhilHealth sa kabila ng makailang ulit nilang pakikipag-usap sa pamunuan ng nasabing ahensyang nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health (DOH).

“Kapag hindi naresolba ang problemang sinabi namin doon sa aming position paper, ‘yun po ang mangyayari. By 2022, hindi na po sila magre-reaccredit,” banta pa ni De Grano sa panayam.

Aniya, masyado nang mahaba ang kanilang pasensya at palugit sa PhilHealth, sabay giit na wala naman aniyang mailatag na konkretong solusyon ang gobyerno sa kanilang kinasasadlakang sitwasyon.

“Noon pa nila ipinarating ang problema sa PhilHealth. Last week magkakaroon sana ng pakikipag-usap sa pamunuan ng PhilHealth pero tumanggi nap o ang mga kasapi namin – unless meron silang konkretong solusyon, talagang hindi na muna sila makikipag-usap sa PhilHealth,” saad pa ni De Grano.

Giit ni De Grano, sa Iloilo pa lang ay may pitong pribadong ospital na ang kagyat na pinutol ang ugnayan sa PhilHealth dahil sa pagbalewala umano sa P545-milyong halaga ng hospital claims.

“Parang napakatagal po, isang taong at kalahati nang nagrereview sila ay hindi namin malaman kung kailangan matatapos ‘yun,” pagdidiin ni De Grano.

Babala pa niya, maraming ospital na ang nagpahayag ng kahandaang talikuran ang kasunduan sa PhilHealth na minsan nang nakaladkad sa kontrobersya kaugnay ng P15-B interim reimbursement mechanism.

Una nang napabalita ang pagbabawas ng empleyado ng mga pribadong ospital dahil umano sa problema sa pananalapi. Maging ang kanilang mga bayarin sa kuryente, tubig, at medical supplies, na-kompromiso na dahil sa nakabinbing singilin mula sa PhilHealth. (FERNAN ANGELES)

184

Related posts

Leave a Comment