MAGING agresibo sa pagtugon at pagsugpo sa COVID-19. Ito ang panawagan ni Taguig City Mayor Lino Cayetano sa kanyang mga kababayan at sa publiko sanhi ng tumataas na bilang ng nahahawaan ng nasabing sakit sa nakalipas na ilang araw, na umabot sa 7,999 kaso sa isang araw lamang.
Bilang agresibong aksyon sa panig ng lokal na pamahalaan ng Taguig, inilunsad ni Mayor Cayetano noong Biyernes ang Park ‘N Test sa Vista Mall sa Brgy. Tuktukan para sa mga motorista.
Sa Park ‘N Test ay pinapayagan ang mga walk-in patient na maaaring magparada ng kanilang sasakyan sa Vista Mall Parking Building at ma-test nang libre na gagawin kada Lunes.
“Where Metro Manila goes, Taguig goes. Napakahalaga ng testing… ngayon mataas ang mga kaso (sa Metro Manila), ini-encourage natin lahat ng willing magpa-test, ite-test natin. Tayo ay agresibo sa pagte-test… maganda regular tayong nagpapa-test, at libre naman sa Lungsod ng Taguig…Molecular laboratory launch natin, maganda marami pinagpipilian sa testing,” sabi ni Mayor Cayetano.
Kasabay ng Park ‘N Test program ni Mayor Cayetano ay ang pinalakas na Telemedicine sa Taguig Pateros District Hospital, karagdagan sa nauna nang Drive Thru Testing.
Layunin ng Taguig LGU na maging madali para sa publiko na magamit ang serbisyo ng gobyerno nang mas madali at mas mabilis kaya ang kasalukuyang mga programa nito ay lalong pinalawak. (DAVE MEDINA)
152 