PATAY ang tatlong construction worker, habang dalawa ang sugatan makaraang gumuho ang isang gusali na isinasailalim sa demolisyon sa Ermita, Manila noong Sabado ng tanghali.
Kinilala ang mga namatay na sina Richard Bugarin, Joseph Lacsa at Jomar Torillos.
Mabilis namang isinugod sa pagamutan ang dalawa pa nilang kasamahan na hindi agad nakuha ang pagkakakilanlan.
Base sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, bandang alas-11:00 ng tanghali nang gumuho ang basement at unang palapag ng anim-palapag na abandonadong Philam Life building sa United Nations Avenue, sa panulukan ng Maria Orosa St. sa Ermita habang dini-demolish ng construction workers.
Sinawimpalad na madaganan ang mga biktima na agad namang hinanap ng kanilang mga kasamahan.
Dalawa sa kanila ang nasagip noong Sabado ng gabi at agad naisugod sa pagamutan.
Ayon naman sa ulat mula sa MPD-Ermita Police Station 5 (PS-5), bandang alas-8:45 ng umaga nitong Linggo nang matagpuan sina Bugarin at Lacsa ngunit bangkay na ang mga ito. Habang sumunod na narekober ang bangkay ni Torillos makalipas ang ilang sandali.
Kaugnay nito, nangako ang contractor ng gusali na pagkakalooban ng tulong ang naulilang pamilya ng mga biktima. (RENE CRISOSTOMO)
523 