MAHAHARAP sa kasong administratibo at kriminal ang Aleson Shipping Lines Inc. kaugnay sa paglubog ng kanilang passenger ferry na MV Trisha Kerstin 3 sa karagatan ng Basilan na ikinasawi ng 52 katao, kabilang ang mga pasahero, tripulante at isang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa PCG, magsasampa ng kaso laban sa shipping line pati sa ilang tauhan ng Maritime Industry Authority (MARINA) at PCG dahil sa umano’y kapabayaan na nagresulta sa trahedya.
Sinabi ni Transportation Secretary Atty. Giovanni “Banoy” Lopez na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paniningil ng pananagutan laban sa shipping company at mga sangkot na ahensya ng gobyerno.
Ibinunyag ni Lopez na nakapaglayag pa rin ang barko sa kabila ng mga kakulangan sa safety certification, drydock compliance at seaworthiness requirements.
Natuklasan din ng imbestigasyon ang ilang seryosong paglabag tulad ng umano’y overloading ng pasahero at kargamento, hindi paggamit ng weigh bridge sa Global Port Zamboanga, at hindi pagtutugma ng Passenger Manifest sa aktwal na bilang ng sakay.
Dahil dito, iniutos ni Lopez ang pagtanggal sa pwesto ng walong tauhan ng MARINA, kabilang ang Zamboanga Regional Director, at limang tauhan ng PCG na nagsagawa ng pre-departure inspection sa barko.
Inatasan din ang MARINA na magsampa ng administratibong kaso laban kina Engr. Jedini Nur Sibal, Engr. Bevin Bibi, at Jose Ray Quimiguing dahil sa umano’y kapabayaan sa tungkulin.
Bilang bahagi ng hakbang upang maiwasan ang kaparehong insidente, iniutos ng DOTr ang mahigpit na pagpapatupad ng safety protocols, kabilang ang paglalagay ng life vests sa ilalim ng mga upuan at paghahanda ng inflatable life racks sa mga barko.
Maglalabas din ang ahensya ng Department Order para sa risk-based categorization ng mga barko at ruta upang mas mapalakas ang maritime safety sa bansa.
(JOCELYN DOMENDEN)
2
