GINAGAMIT lamang umano ng mga awtoridad ang anggulong sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) ang ginawang pagdukot at pagpatay sa Filipino-Chinese businessman na si Anson Que para pagtakpan ang kapalpakan sa isinagawang imbestigasyon sa nakababahalang krimen.
Ito ang inihayag ni civic leader at anti crime, graft and corruption advocate na si Teresita Ang See kaugnay sa pahayag ng Philippine National Police (PNP) na bukod sa motibong kidnap-for-ransom ay sinisilip din ang anggulong may kinalaman ito sa POGO operation.
Itinanggi ni Teresita Ang-See ang dahilan ng PNP na sangkot umano sa POGO ang dinukot at tinodas na Fil-Chinese businessman na si Anson Que at driver nito na kapwa nakitang patay at itinapon sa gilid ng kalsada sa lalawigan ng Rizal.
Sinabi pa ni Ang See na walang anomang ari-arian sa Bulacan ang mga Que at masyado rin umanong malaking negosyo ang steel company para mamuhunan pa ang biktima sa POGO.
Pinabulaanan din ng pamilya ni Que o Anton Tan na may kinalaman sa POGO ang pagpatay rito.
“The family of the late Anson Tan firmly disputes allegations that their father was involved in POGO transactions. They have no rental property in Bulacan to speak of,” ayon sa isang pahayag ni Atty. Jose Christopher “Kit” Belmonte, legal counsel ng pamilya ni Que noong Sabado, Abril 12.
Magugunitang pinatututukan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang mga insidente ng kidnapping sa bansa.
Samantala, kinondena ng Citizens’ Crime Watch (CCW) ang karumal-dumal na pagpaslang sa mag-amo.
Ayon kay Atty. Virgilio Batalla, chairman ng CCW, nakalulungkot isiping pagkatapos magbigay ng 100-million pisong ransom ng biktima ay pinatay pa rin ito ng mga kidnapper at maging ang kanyang driver.
Nanawagan si Atty. Batalla sa mga awtoridad na resolbahin sa lalong madaling panahon ang krimen at ipinaalala sa publiko na tutukan ang karumal-dumal na insidente hanggang sa matukoy ang mga nasa likod nito, maaresto at mapanagot sa batas.
(JESSE KABEL RUIZ/May dagdag na ulat si JULIET PACOT)
