NAGHAIN ng karagdagang petisyon o supplemental petition sa Korte Suprema ang Partido ng Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP Laban) na ang layon ay atasan ng Kataas-taasang Hukuman ang Comelec na isalang sa manu-manong bilangan ang resulta ng senatorial elections nitong Mayo.
Personal na inihain sa Supreme Court nina Atty. Israelito Torreon at Atty. Jimmy Bondoc ang motion for leave to file supplemental petition for mandamus na humihiling ng manual recount ng senatorial votes alinsunod sa Section 31 ng Republic Act 9369 — Sections 210, 234, 235 at 255 ng Omnibus Election Code.
Batay sa anim na pahinang mosyon, muling iginiit na kailangang magdaos ng manual counting ng balota sa senatorial race dahil maraming naganap na iregularidad ilang araw bago at matapos ang halalan noong May 12 kabilang ang mga nawawalang boto, hindi nagtutugmang bilang ng mga boto, dagsang reklamo ng mga botante patungkol sa palyadong automated counting machines o ACMs at ang 17 million overvotes na hindi anila napabilang sa officially tally.
Hiling ng mga petitioner na payagan ng Kataas-taasang korte ang kanilang mosyon, bigyang-pansin ang supplemental petition at ilakip bilang bahagi ng orihinal na petition.
Sa Facebook post ni Torreon nitong Lunes, Hunyo 23, sinabi niyang, “Tuloy po ang Laban Ng PDP Laban upang magkaroon Ng malinis na halalan para sa ating bayan.”
Sinusugan naman ito ng isa ring post sa Facebook ni Bondoc na nagsabing, “Back in the Supreme Court, fighting the good fight against electoral anomalies. Prayers appreciated”.
(JULIET PACOT)
