QUEZON – Hinatulan bilang ‘guilty’ ang apat na mga pulis na bumaril at nagtangkang pumatay sa isang pedicab driver noong Nobyembre 2018.
Ayon sa ibinabang desisyon nitong Martes ni Judge Michael Vito ng Gumaca Regional Trial Court Branch 172, isinasaad na ‘guilty sa kasong attempted murder ang mga akusadong sina PO2 Jhaymar Espedido, SPO4 Wilson Villegas, SPO3 Noel Malabayabas at SPO2 Bryan Nobo.
Ang apat ay pawang hinatulan ng pagkabilanggo ng mula lima hanggang 10 taon.
Batay sa record, ang biktimang pedicab driver na si Roger Herrero ay dinukot ng apat na kalalakihan noong Nobyembre 1, 2018 ng gabi sa isang barangay sa bayan ng Agdangan, Quezon.
Dinala ito sa bayan ng Atimonan at doon at pilit itong pinaaamin na sangkot umano ito sa mga kaso ng nakawan. Hanggang sa binaril ito ng isa sa mga pulis sa mukha at iniwan sa damuhan sa gilid ng daan.
Subalit mapalad na natagpuan itong buhay pa ng mga bystander at nadala sa ospital. (NILOU DEL CARMEN)
