UMABOT sa P65 milyong halaga ng mga imported na sibuyas, beans, frozen chicken at karneng baboy ang nakumpiska ng Bureau of Customs sa bodega sa lalawigan ng Rizal at Valenzuela City kahapon.
Sa Taytay, Rizal, natuklasan ang mga imported frozen chicken, beef, pork, sausages, butter at iba pang foodstuffs na may kantidad na P50,000,000, habang bodega sa Sitio Punturin sa Valenzuela City, nasamsam ng mga operatiba ang mga pula at dilaw na sibuyas, at beans na umabot sa P15,000,000 ang halaga.
Ayon sa kagawaran, sa bisa ng Letters of Authority (LOA) o kautusan ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero, sinalakay ang bodega sa Taytay, Rizal at Valenzuela nang magkasanib na puwersa ng Bureau of Customs (BOC) at NBI-Special Action Unit na nagresulta sa pagkakakumpiska ng mga imported na produkto.
Ayon sa utos ni Guerrero, pinadlak ang dalawang bodega at kinumpiska ang imported products habang hinihintay na bayaran ng mga may-ari nito ang buwis sa mga produkto.
Samantala, kumpiskado ang tinatayang P500 milyong halaga ng mga pekeng ganit at “ukay-ukay” sa Valenzuela City, iniulat ng Bureau of Customs (BOC) noong Martes.
Ayon sa BOC, ang nasabing mga kontrabando ay nasabat sa inspeksyon sa isang bodega sa E. San Andres corner T. Santiago St. sa Barangay Canumay West noong Marso 7.
Nadiskubre ng pangkat na pinamumunuan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS)-Port of Manila, ang mga bunton ng ukay-ukay, power banks, face masks, at mga kagamitang may markang Gucci, Chanel, Fendi, at Louis Vuitton.
Bukod dito, nakumpiska rin ang pipe fittings, carpet rolls, refrigerants, caustic soda flakes at isang kahon ng sari-saring alahas at relos.
Dagdag ng BOC, ang imbestigasyon at imbentaryo ay gagawin para sa posibleng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, at Intellectual Property Code of the Philippines.
Ang inspeksyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng CIIS-Intellectual Property Rights Division, National Bureau of Investigation, at Philippine Coast Guard. (ENOCH ECHAGUE/ALAIN AJERO)
