TABLADO ang lahat ng mga aktibidad sa kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo at sa Pandacan sa Lungsod ng Maynila sa Enero 16.
Inihayag ito ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, kasunod ng pagkansela sa online at physical classes mula Enero 14 hanggang Enero 21.
Sinabi ng alkalde, walang magaganap na stage shows, religious procession, street parties, street games at iba pang katulad na pampublikong pagdiriwang.
Gayundin, ipinagbabawal ang pagbebenta at pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar.
Inatasan ni Moreno ang mga barangay chairman sa nabanggit na mga lugar na ikalat ang ipatutupad na mga alintuntunin sa Kapistahan ng Sto. Niño.
Nagpahayag naman si Manila Police District Director, P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco na ang seguridad na isasagawa sa Pista ng Sto. Niño sa Tondo at Pandacan ay halos katulad din ng seguridad na ipinatupad sa Pista ng Poong Itim Nazareno noong Enero 9.
Ayon sa ulat ng MPD, hindi kasing dami ng ikinalat na mga pulis sa paligid ng Quiapo Church, ang itatalaga sa Kapistahan ng Sto. Niño sa Tondo at sa Pandacan.
Samantala, pinasalamatan naman ng alkalde ang mga namumuno sa Sto. Niño at Pandacan Parish churches sa pansamantalang pagsasara ng kanilang mga simbahan at nagsagawa na lamang ng online mass. (RENE CRISOSTOMO)
275 