Sa ulat na may VIPs sa pagbabakuna PH, BANTAY SARADO SA WHO

(NELSON S. BADILLA)

BINABANTAYAN ng World Health Organization (WHO) ang pagpapatupad ng administrasyong Duterte sa pagbabakuna sa pagdating ng suplay ng AstraZeneca.

Ito ay matapos magreklamo ang ilang sektor dahil may mga nabakunahan na hindi kabilang sa mga prayoridad at kahanay ng health workers.

Nabatid na may mga itinakdang kondisyon sa pagpapadala ng nasabing bakuna mula sa COVAX facility ng WHO.

Ang binabanggit na mga insidente ay ang pagpapaturok nina Manila Vice Mayor Honey Lacuna Pangan at Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan.

Bagamat sila ay parehong manggagamot, hindi bahagi ang dalawa ng tinatawag na “healthcare workers” dahil sina Lacuna-Pangan at Tan ay mga opisyal ng pamahalaan.

Ang prayoridad sa pagbabakuna ay ang health care workers.

Dahil sa kondisyong ito, hindi pinayagan sina Manila Mayor Francisco Domagoso, Pasig City Mayor Vico Sotto at Marikina City Marcelino Teodoro na mabakunahan sa pagdating sa bansa ng unang bakuna na CoronaVac na gawa ng Sinovac Biotech mula sa China.

Ayon sa kinatawan ng WHO sa Pilipinas na si Dr. Rabindra Abeyasinghe, kailangang sumunod ang administrasyon sa kondisyong unahin ang mga doktor, nars at health workers sa mga pagamutan.
Sinimulan nang ipatupad ang pagtuturok ng AstraZenica sa mga prayoridad sa bakunang ito makaraang dumating ang 487,000 doses nito Huwebes ng gabi.
Ito ay inilaan ng WHO sa Pilipinas sa mababang halaga batay sa kondisyon ng koseptong COVAX.
Idiniin ni Abeyasinghe na hindi na matatanggap ng Pilipinas ang doses ng AstraZenica sa ikalawa at ikatlong batch kapag hindi tumalima ang administrasyong Duterte sa kondisyon ng WHO.
Inaasahang 4.5 milyong doses ng AstraZeneca ang darating pa sa bansa hanggang Mayo ng kasalukuyang taon.

 

138

Related posts

Leave a Comment