Sa ulat na ‘peke’ ang college degree na iginawad UMak: DIPLOMA NI PACMAN ORIG

(JOEL O. AMONGO)

UMAPELA ang pamunuan ng University of Makati (UMak) na ‘wag idamay ang kanilang institusyon sa pamumulitika sa gitna ng muling pag-ungkat sa umano’y pekeng college degree ni Senador Manny Pacquiao.

Kasabay nito, tiniyak ni Prof. Elxyzur Ramos, vice president for Academic Affairs ng nasabing unibersidad na totoo ang diploma na iginawad nila sa senador.

Ang diploma ay katibayan ng pagtatapos ni Pacquiao ng Bachelor of Science in Political Science, Major in Local Government Administration noong 2019, ani Prof. Ramos.

Minabuti ng SAKSI Ngayon na kunin ang panig ng UMak makaraang lumabas na naman ang akusasyong “peke” ang diploma ng senador.

Mayroon ding nagsabing tatlong buwan lamang tinapos ni Pacquiao ang nasabing kurso.

Idiniin ni Ramos sa eksklusibong panayam ng SAKSI Ngayon na “huwag idamay” ang UMak sa pulitika.

Aniya, tinapos ng senador ang Bachelor of Science in Political Science Major in Local Government Administration sa loob ng isang taon.

Nagsimulang mag-aral ng kolehiyo sa UMak si Pacquiao noong Agosto 2018.

Iginiit ni Ramos na walang katotohanan ang naglabasang balita na tatlong buwan lang tinapos ng senador ang nasabing kurso.

Nag-aral si Pacquiao ng Political Science sa ilalim ng UMak Equivalency Program (EP).

Nilinaw ng propesor na hindi lahat ay binibigyan ng pagkakataon na makapag-aral, sa pamamagitan ng EP.

Binanggit ni Ramos na ang mga rekisito upang tanggapin ang isang taong hangad na mag-aral at makapagtapos ng kolehiyo sa ilalim ng nasabing programa ay kailangang lagpas sa 25 taong gulang, may sariling negosyo at nagtatrabaho nang lagpas limang taon.

Pinanindigan ni Ramos na si Pacquiao ay pasado sa nakalatag na mga kuwalipikasyon dahil mahigit 25-anyos na ang mambabatas, negosyante ito, dating kongresista at ngayon ay senador.

Nakumpleto rin ni Pacquiao ang mga rekisito para sa EP, kaya natapos nito ang kursong kinuha niya noong 2019 makaraan ang isang taong pag-aaral sa UMak.

Idinagdag pa ni Ramos na iisa lamang ang diploma na kanilang ibinibigay sa mga kumuha ng apat na taong kurso at nagtapos ng isang taon, sa ilalim ng EP.

Subalit, magkakaiba ang transcript of record na ibinibigay sa nagtapos ng apat na taong kurso kumpara sa isang taon ng EP, paglilinaw ni Ramos.

Aniya, ang pinakamahalaga ngayon sa mga katulad ni Pacquiao ay lalo pang nadagdagan ang kanyang kaalaman dahil sa pag-aaral ng nasabing kursong isang taon lamang ang kanyang ginugol.

Tiniyak ni Ramos na hindi binayaran, o ‘di binigyan ng pondo, ni Pacquiao ang UMak upang magkaroon ng diploma ang senador.

Sobra-sobra aniya ang pondo ng unibersidad tulad ngayong 2021 na mahigit isang bilyong piso ang pondo ng UMak.

Inihabol din ni Ramos ang pahayag na “top placer” sa mga board examination ang mga nagsisipagtapos sa UMak bilang pagtutol sa akusasyong walang saysay ang mga nagtatapos sa unibersidad.

Winasak ang educational background ni Pacquiao ilang araw makaraang magpakawala ito ng mga akusasyon laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Dahil dito, unti-unti nakukumbinsi ang maraming tao na totoong tatakbo si Pacquiao sa pagka-presidente ng bansa sa eleksyon sa susunod na taon.

Ngunit, hindi pa malinaw kung anong partido ang magsusulong ng kanyang kandidatura dahil maugong na patatasikin siya sa Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban) sa ikalawang asembliya nito ngayong Hulyo.

Si Pacquiao ay hinirang na “acting president” mahigit dalawang buwan na ang nakalipas.

Si Duterte naman ang chairman ng PDP – Laban.

Katwiran ng ilang opisyal na kapit-tuko kay Duterte, hindi naman inihalal si Pacquiao.

Ibig sabihin, maghahalal ang mga opisyal at kasapi ng PDP – Laban ng kanilang pangulo ngayong Hulyo.

Kapag tuluyang tinanggal si Pacquiao sa PDP – Laban, posibleng magtayo siya ng sariling partido, o kaya sumapi sa Nationalist People’s Coalition (NPC) upang maging bise – presidente niya si Senate President Vicente Sotto III, kung ang magiging pinal na desisyon ni Senador Panfilo Lacson ay hindi siya tatakbo sa pagkapangulo ng bansa sa eleksyong 2022.

249

Related posts

Leave a Comment