PUNA ni JOEL O. AMONGO
IILAN lang sa mga tao ang marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan, mas marami ang hindi marunong tumanaw ng utang na loob.
Sa mahigit na 30-taon ko na sa pamamahayag, ilan lang ang politikong nakilala kong marunong tumanaw ng utang na loob sa mga tao na nagluklok sa kanya sa pwestong kanyang kinalalagyan.
Karamihan sa kanila, ‘pag nakaupo na ay puro pagkakaperahan ang nasa isip nila, gagawa ng mga proyekto, sasabihin nila na para sa kanilang nasasakupan ang kanilang ginagawa, pero ang totoo ay para sa kanilang bulsa ito.
Tulad na lamang sa usapin ng impeachment laban kay Vice President Inday Sara Duterte, pumutok sa mga balita na lahat ng mga pumirma sa impeachment para sibakin si VP Sara, ay may kapalit na malaking halaga ng mga proyekto.
Ngayon dahil idineklara ng Korte Suprema na labag sa Saligang Batas o “Unconstitutional” ang impeachment laban sa pangalawang Pangulo ay wala nang pag-asang masibak pa nila si Inday Sara.
Hindi sila kuntento sa desisyon ng Korte Suprema, balak pang iapela ng Kamara dahil umaasa pa sila na posibleng mabago pa ang desisyon ng Korte Suprema at mabaliktad ito at pumabor pa sa kanila ang desisyon.
Hindi na kayo nahiya sa taumbayang bumoto kay Inday Sara na mahigit sa 31 milyong Pilipino na nagnais na siya ay maging pangalawang pangulo.
Kataastaasang Hukuman na ang nagsabi na labag sa Saligang Batas ang impeachment kay VP Sara, hindi pa kayo nakuntento sa desisyon? Paano uusad ang ating bansa kung ganyan ang pananaw ng ating mga politiko? Ano ang pakinabang ng ordinaryong Pilipino sa impeachment?
Kaya nagkakawindang-windang ang kalagayan ng mga Pilipino dahil sa sobrang pamumulitika ng mga elected official.
Pati ang desisyon ng mga korte ay hindi nila inirerespeto, dahil ba kayo ang gumagawa ng batas? Ganun ba yun?
Maraming problema ang Pilipinas na dapat bigyan ng solusyon ng gobyerno, nariyan ang sobrang taas ng presyo ng mga bilihin, maraming Pilipino ang tambay, maraming nagugutom, kawalan ng oportunidad at kabuhayan.
Ang mga ito ang dapat bigyang pansin ng ating mga mambabatas, hindi ang impeachment ng kung sinomang nakaupong opisyal ng gobyerno.
Nakaiinggit ang ating kapitbahay na mga bansa, nagsipag-unlad na sila, malayo na ang kanilang mga narating, nakasentro sila sa pagpapalakas ng kanilang depensa at kabuhayan ng kanilang mamamayan.
Ang Pilipinas ay hindi makausad dahil nakasentro pa rin hanggang ngayon sa away pulitika, impeachment laban kay VP Sara.
Ngayon, dahil nagdesisyon na ang Korte Suprema na labag sa Saligang Batas ang impeachment, baka pagplanuhan n’yo naman sa 20th Congress ang panibagong impeachment laban kay VP Sara. Mahiya naman kayo sa mga bumuto sa inyo!
Kung sabagay, kung babaha naman ng pera sa mga pipirma sa panibagong impeachment laban kay VP Sara, ay posible na namang mangyari ‘yan. Lalo na kung pangungunahan na naman ni Speaker Martin Romualdez, mangyayari uli ‘yan. Galante raw kasi si Speaker?
Sabi ko tuloy dati nang una akong ma-assign sa Mababang Kapulungan ng Kongreso bilang reporter, na ang karangyaan ng Pilipinas ay makikita sa Kamara dahil doon ko nakita ang mamamahaling mga sasakyan na gamit ng mga kongresista, pero ang mga Pilipino ay kumakalam ang sikmura.
-oOo-
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
114
