Sabit din sa ilegal na bentahan ng motor MPD COP UTAK NG GUNRUNNING

BAGO nagtungo ng Davao City Police Office kahapon si Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ay ipinag-utos nito sa PNP-Internal Affairs Service (IAS) na agad pasimulan ang investigation and summary dismissal proceedings laban sa isang Manila police na nadakip matapos na masangkot sa gunrunning at illegal sale of motor vehicles.

Kinilala ni P/Gen. Eleazar ang pulis na ipinasisibak sa serbisyo na si Police Staff Sergeant Michael Salinas, nakatalaga sa Manila Police District, na kasama sa walong kataong nadakip noong Setyembre 3 dahil sa pagbebenta ng mga baril at motor vehicles na may mga bogus na dokumento.

Ayon kay P/MGen. Vicente Danao, Jr., PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) director, posibleng si Salinas ang lider ng grupo.

“Isang pulis na naman ang nasangkot at nahuli sa paggawa ng ilegal at tinitiyak ko na sisipain natin sa serbisyo ang Police Staff Sgt. Michael Salinas na ito sa patuloy nating paglilinis sa mga abusado at utak-kriminal sa aming hanay,” pahayag ni P/Gen. Eleazar.

“I have already directed the Internal Affairs Service to initiate summary dismissal proceedings against him,” dagdag pa nito.

Mula Hulyo 2016, mahigit 5,000 policemen ang nasibak na sa serbisyo dahil pagkakadawit sa iba’t ibang kaso kabilang na rito ang pagkakasangkot sa illegal drugs at iba pang criminal activities.

Una nang idineklara ni P/Gen. Eleazar na lilinisin niya ang hanay ng pulisya mula sa mga scalawag bilang bahagi ng Intensified Cleanliness Policy (ICP) na kanyang inilunsad nang siya ay maluklok bilang PNP chief.

“Hindi lamang PNP ang makikinabang sa pagtanggal natin sa mga ganitong uri ng pulis kundi ang taumbayan na rin na dapat ay aming pinagsisilbihan nang tapat at maayos. Nakakatiyak ako na mas maraming Pilipino ang karapat-dapat na pumalit sa mga ganitong uri ng pulis lalo na at nagpatupad na tayo ng agresibong reporma sa recruitment pa lang upang salain nang maayos ang susunod na henerasyon ng mga pulis ng Pilipino,” dagdag pa ni P/Gen/ Eleazar. (JESSE KABEL)

 

137

Related posts

Leave a Comment