SABUNGAN SA LAGUNA IPINASARA, BOKAL UMALMA

IPINAG-UTOS ng Laguna Franchise Task Force ang pagsasara ng umano’y ilegal na operasyon ng O.A.A. Cockpit Arena sa Barangay Ibabang Taykin, Liliw, Laguna, dahil sa paglabag sa Franchise Code ng lalawigan.

Nilagdaan ni Task Force Chairman Atty. Nathalie Irene Velazquez ang cease and desist order laban sa sabungan.

Ayon sa kautusan, maaari itong pagmultahin, i-padlock, at sampahan ng kasong kriminal o sibil kung hindi susunod.

Umalma si Board Member Lorenzo Zuñiga Jr., na nagsabing walang kapangyarihan ang task force at ang provincial administrator na magpasara ng sabungan batay sa umiiral na ordinansa.

Iginiit ni Zuñiga na ang mayor lamang, sa rekomendasyon ng BPLO, ang may kapangyarihang magpasara ng operasyon.

Tinawag niyang paglabag sa due process ang pag-iisyu ng CDO at iginiit na irereklamo niya sa PNP chief ang umano’y pagsunod ng ilang pulis sa ilegal na kautusan.

Samantala, umani ng batikos mula sa ilang netizen ang posisyon ng bokal, na nagsabing mas dapat umanong pagtuunan ng pansin ang mas malalaking problema ng lalawigan kaysa ipaglaban ang isyu ng sabungan.

Bukod pa rito, lumutang din sa ulat ang reklamo ng ilang may-ari ng sabungan sa Laguna na umano’y nakararanas ng pananakot upang pilitin silang lumipat ng machine betting provider.

Ayon sa mga reklamo, may isang alkalde umano sa Laguna ang nagrerekomenda ng dalawang kompanya at ginagamit pa umano ang pangalan ng gobernador ng Laguna upang manakot.

Isinasangkot din sa alegasyon ang isang dating provincial administrator na umano’y dating opisyal mula sa Pampanga.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang PNP at ang Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna kaugnay sa isyu.

(NILOU DEL CARMEN)

11

Related posts

Leave a Comment