One Meralco Foundation, naghatid ng liwanag para sa libu-libong pamilyang Pilipino

Pinangunahan ng Meralco at One Meralco Foundation ang lighting ceremony para sa Household Electrification Program(HEP) nito sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng Quezon. Makikita sa larawan sina OMF President Jeffrey O. Tarayao, Mayor Joy Belmonte, Barangay Captain Daniel Leon Berroya, Beverly Gaw at mga opisyal ng Meralco tulad ni Customer Retail Services Head Charina Padua, HMB North Business Area Head Alleni Pascual, Balintawak Sector Manager Noel Espiritu, Kamuning-Roosevelt Business Center Head Emmanuel De Jesus, Commonwealth-Balintawak Business Center Head Ryan Vicente, at Novaliches Business Center OIC Armida Virgo.

Mas pinaliwanag ng One Meralco Foundation (OMF), ang corporate social responsibility unit ng Manila Electric Company (Meralco), ang buhay at tahanan ng libu-libong pamilya bilang bahagi ng misyon nitong maghatid – hindi lamang ng liwanag – kundi pati na rin ng pag-asa at mas magandang kinabukasan para sa mas marami pang Pilipino.

Sa pamamagitan ng Household Electrification Program (HEP), nabigyan ng maayos at maaasahang serbisyo ng kuryente ang nasa 1,766 na pamilya sa lungsod ng Maynila,Pasig, Parañaque at Metro Manila, gayundin sa probinsya ng Cavite, Rizal at Laguna bago matapos ang taong 2025.

Mas maliwanag na kinabukasan para sa mga QCitizen

Noong nakaraang Disyembre, nagtulungan ang OMF, Meralco, at pamahalaang lokal ng Quezon City para mabigyan direktang access sa kuryente ang 432 residente ng Barangay South Triangle at Escopa 3, 185 West Riverside, 24 F. Carlos, Sitio Militar, K-9 Compound, Greenland, at Tumana.

Hindi na kinakailangan pang maki-submeter ng mga pamilyang ito sa kanilang mga kapitbahay. Dahil sa programang ito, mababawasan ang panganib ng sunog, at maaari na silang magbayad ng standard rate ng Meralco na mas mababa kaysa sa sinisingil ng kanilang mga kapitbahay gamit ang submeter.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, hindi lamang simbolo ng pag-unlad ang access sa kuryente kundi instrumento rin para sa maisakatuparan ang karapatang pantao. “Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga sa amin ng Household Electrification Program ng Meralco. Ito ay isang malaking hakbang hindi lamang para sa mga benepisyaryo, kundi para ito sa ating mas malawak na mithiin na iangat ang kalidad ng buhay dito sa Quezon City. Sa pagdadala ng liwanag sa mga tahanang pinakanangangailangan nito, nagbibigay tayo ng pagkakataon na makabuo ng mas maayos buhay para sa lahat,” aniya sa wikang Ingles.

“Ang mga pamilyang ito, na dati ay nakadepende sa hindi ligtas na koneksyon—tulad ng pakiki-tap sa linya ng kapitbahay, paggamit ng submeter, o kawalan talaga ng kuryente—ay nagtatamasa na ngayon ng ligtas, maaasahan, at legal na suplay ng kuryente,” pahayag ni Meralco Head of Customer Retail Services Charina P. Padua. “Katuwang ang OMF at ang lokal na pamahalaan ng Quezon City, nananatiling tapat ang Meralco sa pangakong maabot ang mas marami pang pamilyang nangangailangan ng ligtas at de-kalidad na serbisyo ng kuryente.”

Makikita sa lararawan sina (L-R) Meralco Central Metering Services & Security Head Lord Percival B. Cheng, Meralco HMB Central Business Area Head Joy P. Mendoza, OMF President Jeffrey O. Tarayao, Meralco First Vice President at Head of Customer Retail Services Charina P. Padua, Meralco Senior Vice President, Chief Revenue Officer and OMF Trustee Ferdinand O. Geluz, Manila City Administrator Atty. Eduardo P. Quintos XIV, 4th District City Councilor Louisa J. Quintos-Tan, Barangay 581 Chairman Areeya Espino, Barangay 107 Chairman Cheryl Gonzales at Barangay 649 Chairman Diana Espinosa.

Naging posible ang proyektong ito sa pamamagitan ng pagtutulungan ng OMF, Meralco Kamuning-Roosevelt, Commonwealth-Balintawak, Novaliches Business Centers, at Meralco Balintawak, Pasig, at Valenzuela Sectors, kasama ang pamahalaang lungsod ng Quezon.

Paghahatid ng liwanag at pag-asa sa mga Manileño

Dinala rin ng OMF ang flagship program nito sa Maynila kung saan 179 na karagdagang pamilya sa apat na barangay sa lungsod ang binigyan ng teknikal at pinansyal na tulong para magkaroon ng sariling service accounts bago mag-Pasko.

Pinangunahan ng Meralco, OMF, at mga opisyal ng lokal na pamahalaan ang lighting ceremony bilang pagdiriwang sa pagkakaroon ng mga pamilya ng ligtas na kuryente.

“Ang lungsod ng Maynila ay tumatalima sa pangako nito na matiyak na bawat tahanan, kalye, at pamilya ay may koneksyon sa ligtas, maaasahan, at sustainable na kuryente. Ang programang ito ay higit pa sa pagkakabit ng mga linya ng kuryente. Ito ay tungkol sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng ating mga residente. Sa pagbibigay liwanag sa ating mga barangay, binibigyan natin ng lakas ang mga pamilya at bumubuo tayo ng mas maliwanag na kinabukasan para sa ating komunidad,” ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, na pinangatawanan ni Manila City Administrator Atty. Eduardo P. Quintos XIV.

Ang mga benepisyaryo ng inisyatibong ito ay mga residente ng Barangay 581, Barangay 254 at 107, at Barangay 649 Baseco Compound (Port Area). Bago ang proyektong ito, nakadepende lamang sila sa submetering mula sa kanilang mga kapitbahay.

Isa sa mga benepisyaryo ng Household Electrification Program sa Maynila ay ang senior citizen na si Crisanta Prado Sandrino. Tinungulan ng OMF na magkaroon ng sariling service account sa Meralco si Crisanta matapos ang limang dekada nitong paggamit ng submeter.

Ang senior citizen na si Crisanta Prado Sandrino, na naninirahan sa Brgy. 581 Zone 57 sa loob ng halos 50 taon, ay dating gumagamit ng submeter at nagbabayad ng humigit-kumulang P1,000 kada buwan para sa maiksing paggamit ng electric fan at ilaw. Ngayong may sarili na siyang account sa Meralco, masusubaybayan na niya ang kanyang tunay na konsumo at makakapagbayad ng standard rate na mas mababa kaysa sa dating sinisingil ng kanyang kapitbahay.

Upang makapagbigay ng mas ligtas at abot-kayang kuryente, nakipagtulungan ang OMF sa España-Tutuban, Malate Business Center ng Meralco, Manila Sector, at sa pamahalaang lungsod ng Maynila upang dalhin ang HEP sa mga Manileño.

Ligtas at de-kalidad na serbisyo ng kuryente sa Pasig

Nilahukan nina Pasig Mayor Vico Sotto, Pasig City Representative Roman Romulo, Pasig Vice Mayor Dodot Jaworski, Pasig Councilors Angelu De Leon, Noel Agustin, Ronald Alan Raymundo, OIC Barangay Chairman Anna Lynn Santos, Meralco Chief Revenue Officer, OMF Trustee Engr. Ferdinand Geluz, Meralco Chief Corporate Social Responsibility Officer, OMF President Jeffrey Tarayao, Head of Customer Retail Services Charina P. Padua, Head of HMB Central Business Area Joy P. Mendoza, at Head of Pasig Business Center Elizer C. Acordo ang turnover ceremony noong DIsyembre 16.

Karagdagang 168 na pamilyang Pasigueño rin ang nakikinabang na ngayon sa sarili nilang linya ng kuryente sa ilalim ng parehong programa.

“Ang sentro ng inisyatibong ito ay ang pagsulong ng kaligtasan ng publiko. Alam nating lahat na ang paggamit ng jumper o submeter ay mapanganib, bukod pa sa katotohanang mahal ang singil sa submeter. Sa aking pakikipag-usap sa mga lokal na opisyal, sa Meralco, at One Meralco Foundation, nakita namin ang pangangailangang isakatuparan ang proyektong ito upang ang serbisyo ng kuryente rito ay maging ligtas at ligal sa ilalim ng Meralco,” ani Pasig City Mayor Ma. Regis “Vico” N. Sotto.

Binigyang-diin naman ni OMF Trustee at Meralco Chief Revenue Officer Ferdinand O. Geluz ang kahalagahan ng pagbibigay-liwanag sa mga pamilyang mahihirap: “Patuloy na makikipagtulungan ang Meralco at OMF sa mga lokal na pamahalaan upang magdala ng liwanag at oportunidad sa mas maraming Pilipino. Para sa amin sa Meralco, pamumuhunan ang programang ito para sa kinabukasan. Higit sa pagbibigay ng kuryente, layon naming suportahan ang mga pamilyang Pilipino at mga komunidad, at isulong ang inklusibong pag-unlad ng bansa.”

Sabay-sabay na pag-unlad

Bukod sa mga nabanggit, 987 pang mga kabahayan sa Cavite (37), Rizal (187), Marikina (103), Quezon province (341), Parañaque (41), Mandaluyong (65), at Taguig City (213) ang noong 2025 sa pamamagitan ng programa.

Para sa Meralco at OMF, ang mga pamilyang Pilipino—gaano man kahirap ang buhay—ay karapat-dapat na magkaroon ng ligtas at matatag na serbisyo ng kuryente, at misyon nilang tiyakin na walang maiiwang nasa dilim.

“Naging mas makabuluhan ang ating pagdiriwang ng Pasko dahil sa pagbibigay natin ng liwanag sa libu-libo nating mga kababayan na nanirahan sa dilim sa loob ng maraming taon. Ito ang aming misyon at tungkulin sa One Meralco Foundation—ang bigyang-liwanag ang mga tahanang ito upang maipagdiwang nila ang kapaskuhan nang may saysay kasama ang kanilang mga pamilya at salubungin ang bagong taon nang may bagong pag-asa at sigla,” pahayag ni Meralco Chief Corporate Social Responsibility Officer at OMF President Jeffrey Tarayao.

Sa kasalukuyan, mahigit 85,000 na mahihirap na pamilya na nasa loob ng Meralco franchise area ang nabigyan ng OMF ng direktang koneksyon ng kuryente. Ito ay isa sa mga pamamaraan upang matulungan ang gobyerno na makamit ang 100% electrification sa bansa pagdating ng 2028. Ito rin ang nagbigay-daan upang mapalakas ang komunidad, maging produktibo ang bawat isa at mapaunlad ang pamumuhay ng libu-libong pamilyang Pilipino.

Katuwang ng OMF sa pagsasagagwa ng programa ang Meralco Cainta Business Center, Meralco Pasig Sector at lokal na pamahalaan ng Rizal sa page-energize ng 30 kabahayan sa Rodrigo Compound, Barangay San Juan sa Cainta, Rizal.

Natulungan din ng OMF at Meralco ang 37 mahihirap na pamilya sa GK SMDC Bayanihan Village Barangay Sampaloc III, Dasmariñas Cavite sa pamamagitan ng pagbibigay ng teknikal at pinansyal na tulong upang sila ay makabitan ng sariling kuntador.

22

Related posts

Leave a Comment