KASABAY ng pagsipa ng 18-araw na kampanyang naglalayong tuldukan ang karahasan sa hanay ng mga kababaihan, nanindigan ang Philippine Army na ipagtatanggol ang mga Pilipina sa kamay ng mga abusado, bilang tugon sa isinusulong na “End Violence Against Women.”
Sa isang virtual forum, hinimok ni Vice Commander of the Philippine Army Maj. Gen. Robert Dauz ang kanilang hanay na sumunod sa mga probisyong kalakip ng Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and Their Children Act) at gayundin ang RA 11313 (Safe Space Act).
Aniya, hindi rin dapat mamayani ang diskriminasyon sa pagitan ng mga lalaki at babaeng sundalo, bagay na kanila umanong isinusulong sa pagpapatupad ng gender mainstreaming na nagbibigay ng pantay-pantay na karapatan sa mga miyembro ng army – anoman ang kasarian.
Sa pagtatapos ng tatlong araw na Gender and Development Forum noong Nobyembre 24, hinamon din ng opisyal ang hukbong katihan na ipamalas ang dedikasyon sa pagsusulong ng isang pantay-pantay na lipunang kikilala hindi lamang sa kakayahan at husay ng mga lalaking sundalo kundi maging sa mga babaeng unipormado. (JESSE KABEL)
