SAGOT NG DMW OFFICIALS SA ISYU NG BALIKBAYAN BOXES

RAPIDO NI TULFO

SINAGOT ng kalihim ng tanggapan ng Migrant Workers o Department of Migrant Workers, sa pamamagitan ng text na walang katotohanan na walang pondo ang DMW para sa cash assistance na ibinibigay ng ahensiya sa mga OFW na biktima ng balikbayan box scam.

Ayon kay Sec. Hans Leo Cacdac, itinaas pa nga nila ang ibinibigay na assistance mula P10K hanggang P30K!

Itinanggi rin ni Usec. Bernard Olalia ng DMW, na walang pondo ang kanilang tanggapan para sa cash assistance at sinabing imposible ito dahil galing ito sa kanilang pondo na bilyong piso diumano.

Maaari raw na mali lang ang pagkakasabi ng kanilang staff sa OFW na nagtanong kung kailan makukuha ang pera at sinabing dapat ang tinuran nito ay pinoproseso pa.

Nagulat naman si Usec. Olalia nang aming i-report na may mga nagsumbong sa amin na mga OFW mula sa Kuwait na nagtungo sa tanggapan ng Migrant Workers Office sa naturang bansa, na hindi pa alam ng mga tao dito ang ukol sa cash assistance!

Sinabi nito na imposible pero gayunpaman ay papaalalahanan nila ang mga ito na dapat nilang tanggapin ang mga lumalapit sa kanila ukol sa cash assistance.

Sa aming katanungan naman kung mayroon na bang date sa delivery ng mga kahon na nakatengga sa Customs pero nai-donate na sa DMW, ang tugon ni Usec. Olalia ay sa lalong madaling panahon.

Pero ang nakapagtataka lang ay bakit patuloy kaming nakatatanggap ng reklamo na wala pa raw pondo para sa cash assistance ang DMW. Samantalang ilang beses nang sinabi ng mga opisyales nito na wala itong katotohanan.

Suhestiyon lang sa DMW, mas magandang unahin ninyo na muna ang distribusyon ng mga kahon dahil hawak n’yo na ang listahan ng mga may-ari nito. Lalo na ‘yung mga kahon na nasa Davao Port na naunang natapos ang imbentaryo ng mga laman ng containers kaysa mga nakatengga sa Manila International Container Port dito sa North Harbor.

9

Related posts

Leave a Comment