SAGOT NI SEC. ERWIN TULFO SA MGA KRITIKO

HINDI pa man nagsisimula ang kanyang trabaho bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), mayroon nang maikling mensahe sa kanyang mga kritiko ang mamamahayag na si Erwin Tulfo na bigyan muna siya ng pagkakataon na magawa ang kanyang tungkulin bago siya husgahan.

Sa aming panayam sa premyadong brodkaster, sinabi nito na binibigyan niya ang sarili ng anim na buwan hanggang isang taon na mabago ang DSWD. Dahil kung hindi ay siya na mismo ang magsasabi kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tanggalin siya at ibigay na lang sa iba ang pwesto at siya ay babalik na lang sa kanyang trabaho bilang mamamahayag.

Ukol sa katanungan sa kanyang mga balakin bilang kalihim ng DSWD, sinabi nito na isa sa kanyang plano ay maglagay ng QRT (Quick Reaction Team) sa buong bansa para agad na maiparating ang ayuda o tulong ng gobyerno sa mga nasalanta ng bagyo, lindol o anumang mga ­kalamidad na kalimitang tumatama sa Pilipinas.

Sa isang halimbawa, sinabi nito na hindi pa man tapos apulahin ng mga bumbero ang sunog ay kasunod na nito ang truck ng DSWD na may dalang relief goods at mga taong maglilista ng mga pangangailangan ng mga nasunugan tulad ng pako, yero at tabla upang agaran na maitayo ng mga ito ang kanilang mga tirahan. Idinagdag pa nito na binabayo pa ng bagyo ang isang lugar ay nasa evacuation centers na ang ahensiya upang magbigay ng relief assistance sa mga ­nasalanta.

Samantala sa mga naiwan o stranded naman sa kanilang mga bahay, bibili raw ng mga rubber at fiber glass boats upang agarang maihatid ang tulong sa mga biktima.

Mahalaga rin aniya ang pagtatayo ng isang Tactical ­Operations Center na bukas beinte kuwatro oras na magmo-monitor at makikipagtulungan sa mga ahensiya ng gobyerno tulad ng PAG-ASA, PHIVOLCS at BFP upang malaman kung saan ang problema at agad na maipadala ang Quick Reaction Team.

Sa Isyu naman ng 4Ps o ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program na nasa ilalim ng ahensiya, ayon sa kalihim, ang ­marching orders ni PBBM kay incoming Executive Secretary Atty. Vic ­Rodriguez, ay ang pag­lilinis ng listahan ng mga benepisaryo ng naturang programa upang magtugma sa listahan ng mga mahihirap ng lokal na pamahalaan at digitalize ang sistema ng pamimigay ng pera upang mapadali ang proseso nito.

Sa usapin naman ng katiwaliang nagaganap sa ahensiya, sinagot nito na ang prayoridad ng ahensiya at ng gobyerno, ayon na rin sa utos ng Pangulo, ay ang pagbibigay ng hanapbuhay o livelihood sa mga mahihirap nating kababayan na nawalan ng trabaho. Pero tiniyak nito na kanyang aaksyunan ang mga reklamo o sumbong hindi lang sa mga tiwali bagkus maging sa bastos na empleyado ng kanyang opisina. Pwede raw iparating sa kanyang programa at social media accounts nila ang mga isyung ito.

190

Related posts

Leave a Comment