QUEZON – Inaresto ang isang incumbent barangay captain sa bayan ng Sariaya sa lalawigan noong Martes ng hapon, Hunyo 24, makaraang makumpiskahan ng walang lisensyang mga baril nang salakayin ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang bahay.
Ayon sa report ng NBI, ang kapitan ay nasakote matapos ang maikling habulan at kalaunan ay nakitang nagtatago sa ilalim ng kanyang kama.
Isinagawa ang raid dahil sa umano’y pag-iingat nito ng mga baril na walang lisensya.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang iba’t ibang uri ng baril kabilang ang isang kalibre .45 na walang kaukulang dokumento.
Ang pag-aresto ay nangyari ilang linggo lamang matapos lumaya ang suspek na si alyas “Reynoso” mula sa Sariaya lock-up jail makaraang maglagak ng pyansa.
Nakulong ang kapitan kaugnay sa pamamaril na ikinamatay ng anak ng kanyang barangay tanod noong Mayo 20 bandang alas-11:55 ng gabi.
Magugunitang tinawagan ng kapitan ang kanyang barangay tanod at anak nito, kasama ang hepe ng kanilang tanod, upang magresponde sa ulat na may umaaligid sa kanyang bakuran.
Sa kasamaang palad, napagkamalan umano ni Reynoso ang anak ng tanod na siyang nanghimasok sa compound kaya binaril ito.
Idinagdag din ng NBI na ang kapitan ay sinasabing sangkot sa ilang iba pang pagpaslang na naganap sa bayan ng Sariaya at isa sa mga biktima ay government official, sa nakalipas na ilang buwan.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng NBI para mapatunayan kung totoo ang mga paratang sa kapitan.
(NILOU DEL CARMEN)
