CAVITE – Hindi nakaporma ang isang miyembro ng salisi gang sa dinudukutang ginang habang nakatakas ang dalawang kasabwat nito, sa loob ng isang pampasaherong bus sa Bacoor City noong Sabado ng gabi.
Nasa kustodiya na ng Bacoor City Police ang suspek na si Teofilo Jay Bataan y Dagaas, 33, ng Bacoor City, habang kinilala naman ang dalawang kasamahan nito na natakas, na sina Julian Aniceto y Intos, 54, at Joan Gamboa y Batistil, 42, matapos ireklamo sa himpilan ng pulisya ng biktimang si Kimberly Gardose, 33, ng Brgy. Habay 1, Bacoor City.
Ayon sa ulat ni Police Patrolman Joven Sinatad ng Bacoor City Police, dakong alas-6:00 ng gabi, sakay ang biktima ng isang pampasaherong bus habang binabagtas ang Aguinaldo Highway sa Brgy. Habay, Bacoor City.
Ngunit narinig umano ng biktima ang bulong ni Aniceto kay Gamboa na sinabing “Dukutan mo na siya,” kaya naalerto ang ginang.
Nang maramdaman nito ang kamay ni Gamboa sa loob ng kanyang backpack at dinudukot ang kanyang cellphone ay biglang dinakma ng ginang ang kamay ni Bataan na hindi na nakaporma.
Tiyempo namang may nagpapatrolyang mobile patrol na nagresulta sa pagkakadakip kay Bataan habang nakatakas ang dalawang kasabwat nito.
(SIGFRED ADSUARA)
155