SALISI GANG SA OSPITAL, TIMBOG

NABIGONG maipuslit ng isang 36-anyos na binata ang target nitong cellular phone mula sa isang silid ng Ospital ng Maynila makaraang mabuking ng bantay ng isang pasyente nitong Miyerkoles ng umaga.

Swak sa selda ng Manila Police District-Station 9 ang suspek na kinilalang si Rey Asumbrado y Bandala, tambay, jobless, tubong Brgy. Ogao, Nabunturan, Compostella Valley, at walang permanenteng tirahan sa lungsod.

Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-5:30 ng umaga, nang mamataan ng isang Rose Ann Encipido, 25-anyos, negosyante, dalaga at bantay sa kanyang ina sa Room 311 sa 3rd floor ng Ospital ng Maynila sa Malate, Manila, na bitbit ng suspek ang kanyang Vivo Y59 cellphone na P7,000 ang halaga.

Dahil dito, nagsisisigaw ang dalaga at hinabol nito ang papatakas na suspek na agad namang nadakip ng dalawang security guard na sina Dexter Napoles, 22, at Eddie Parel, 58, at dinala sa himpilan ng pulisya. (RENE CRISOSTOMO)

133

Related posts

Leave a Comment