TOTOONG napakarahirap imbestigahan ang katiwalan, korapsyon at pandarambong ng buong pamahalaan dahil maliban sa masyadong malaki at napakaraming sanga nito, napakalala na nito.
Ngunit, hindi dapat ito maging balakid upang huwag absolutong pagdudahan ang layunin ni Pangulong Rodrigo Duterte na paimbestigahan ang katiwalian, korapsyon at pandarambong sa pamahalaan.
Uusad ang imbestigasyon na ipinaako at ipinagkatiwala ni Duterte sa Department of Justice (DOJ), sa pangunguna ni Secretary Menardo Guevarra, kung maraming opisyal ng pamahalaan ang tutulong laban sa nasabing napakalalang problema ng pamahalaan tulad ng Kongreso.
Malaki ang magagawa ng isa sa dalawang sangay ng Kongreso na Kamara de Representantes na pinamumunuan ngayon ni Speaker Lord Allan Jay Velasco ng Marinduque sa paglaban at pagsugpo sa katiwalian, korapsyon at pandarambong ng mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ang paglalabas sa Statement of Assets and Liabilities Networth (SALN) ni Velasco ay isa nang napakagandang hakbang na nagpapakitang wala siyang itinatagong maling praktis ng mga mambabatas.
Ang paglalabas ng SALN ni Velasco, Majority Leader Martin Romualdez at iba pang kongresistang namumuno sa Kamara ay nakabatay sa hamon ni ACT – Teachers party-list Representative France Castro.
Ang hamon at panawagan ni Castro ay nakabatay sa itinakda at ipinag-uutos ng Republic Act No. 6713, o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Si Castro at mga kasamahan niya sa MAKABAYAN Bloc na sina Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at Rep. Ferdinand Gaite, Gabriela Women’s Rep. Eufemia Cullamat at Rep. Arlene Brosas at Kabataan Rep. Sarah Elago ay naglabas na ng kani-kanilang SALN kamakailan.
Kung ginawa nila ito, dapat gawin din ito ni Velasco, Romualdez at iba pang kongresista.
Bilang pinuno ng Kamara, napakahalagang malaman kung mayroong linabag na batas, o wala, si Velasco.
Isa sa napakagandang makita at matumbok sa SALN ni Velasco ay ang pagkakaroon ng tinatawag sa Ingles na “conflict of interest” ng mga opisyal ng gobyerno hinggil sa hindi nito pagdedeklara ng mga ari-arian at shares of stocks sa maraming kumpanya.
Banggitin ko lang ang isa sa mga naging matunog sa isyu kay Speaker Velasco noong 2017 ay ang napabalitang mayroon itong shares of stocks sa San Miguel Corporation (SMC).
Ang impormasyong ito ay nakabatay sa ulat mismo ng SMC noong 2017 kung saan si Velasco ay pasok sa nangungunang 100 stockholders ng nasabing dambuhalang korporasyon.
Maliban diyan, mayroon pa umanong dalawang porsiyentong shares si Speaker Velasco sa Petron Corporation, batay na rin sa “annual report” ng kumpanya noong 2016.
Si Velasco ay naging kongresista mula 2010 hanggang 2013 bilang solong kinatawan ng Marinduque sa Kamara.
Muling nahalal na kongresista noong 2016 at 2019.
Ayon kay Castro, dapat ang mga taong nasa serbisyo publiko tulad ni Velasco ay sumusunod at tumutupad sa mga konsepto ng “transparency” at “accountability”.
Kumbinsido si Castro na isang malinaw na hakbang ang paglalabas ng SALN upang patunayang walang itinatagong yaman ang mga mambabatas tulad ni Velasco alinsunod sa R. A. 6713.
Sa ngalan at diwa ng transparency, inilabas ng mga kongresistang kabilang sa MAKABAYAN Bloc ang kani-kanilang SALN makaraang utusan ni Pangulong Duterte ang DOJ na imbestigahan ang buong gobyerno sa korapsyon.
Napakahalaga ng SALN dahil ang mga nilalaman ng dokumentong ito ang naging batayan sa pagpapatalsik kina Maria Lourdes Sereno at Renato Corona mula sa pagiging mga punong mahistrado ng Korte Suprema.
171
