THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO
Kahapon, ipinagdiwang ang World Teachers’ Day na itinalaga bilang araw ng pagkilala at pasasalamat sa mga guro na nagsisilbing haligi ng edukasyon at pangalawang magulang ng mga kabataang pumapasok sa eskwelahan.
Kahit na alam natin ang napakahalagang papel na ginagampanan ng mga guro sa edukasyon, batid din natin na maraming pagsubok at hamon sa pagganap nila sa kanilang tungkulin.
Ayon sa 2024 report ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), mahigit 80% ng public school teachers ang nagsabing hindi sapat ang kanilang buwanang sahod upang tustusan ang pang-araw-araw na gastusin, lalo na sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Isa pang malaking hamon ang mabigat na administrative workload. Sa halip na makapagturo nang buo, kailangan pa maglaan ng oras ang mga guro sa pagsagot ng forms, reports, at pag-aasikaso ng iba pang mga papeles. May mga datos din na nagsasabing nasa 30% hanggang 40% ng oras ng mga guro ang napupunta sa gawaing administratibo imbis sa aktwal na pagtuturo. Pagkatapos ng klase, magtse-check pa ng papers, exams, homeworks at maghahanda para sa klase sa susunod na araw. Nakauubos talaga ng oras, kaya talaga namang nakabibilib ang mga guro lalo na ang mga mayroon pang responsibilidad sa kanilang mga pamilya pag-uwi sa bahay.
Isa pa sa pinakamabigat na suliranin ngayon ay ang problematikong imprastraktura sa mga paaralan. Napag-uusapan ngayon ang flood control projects na substandard ang materyales, hindi natatapos at ang matindi, hindi nagagawa kahit napaglaanan ng pondo. May ganito ring suliranin sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Marami pa ring pampublikong paaralan ang kulang sa silid-aralan — may mga estudyanteng nagsisiksikan at sa mga probinsya nga may mga nagkaklase sa labas o kaya mga makeshift na classroom. Ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA) noong 2024, nasa mahigit P200 bilyon na halaga ng mga proyektong pang-edukasyon, kabilang ang school buildings, ang hindi pa rin natatapos o naipatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Para sa mga guro, hindi lang nakadaragdag sa pagtuturo ang ganitong kalagayan kundi nakakaapekto rin sa kaligtasan at konsentrasyon ng mga bata. Parang dagdag alalahanin pa. Siyempre, kailangan nila ng maayos na paligid para naman sana mabigyan din ng maayos na edukasyon ang tinuturuan nilang mga mag-aaral. Ultimo itong mga basic na pangangailangang ganito, para bang napakalaking pagsubok sa atin.
Sa kabila naman ng mga pagsubok, nakikita nating nananatiling matatag ang ating mga guro. Nakabibilib nga lalo na ang kanilang dedikasyon sa propesyon — kahit na walang internet, o kaya walang silid-aralan. May mga lugar pa na kailangang umakyat ng mga guro ng bundok, sumakay ng bangka, o bumaybay papunta sa napakalayong lugar maabot lang ang mga batang nangangailangan ng edukasyon.
Kaya dapat nating pahalagahan ang edukasyon at tiyakin na may sapat na suporta ang mga guro. Kailangang mamuhunan ang pamahalaan para rito.
At kagaya ng mga ginagawa nila, kailangan din nila ng karagdagang suporta kagaya ng dekalidad na training para makasabay sa digital at AI-driven na edukasyon at access sa mental health support.
Habang patuloy na nagbabago ang mundo, mananatiling walang kapalit ang mga maayos na guro na may natatanging tiyaga, malasakit, at pagsusumikap para magmulat at maglinang ng kaalaman at maging ng values ng mga mag-aaral.
Saludo sa mga guro na napakahalaga ng papel na ginagampanan sa magiging kinabukasan hindi lang ng kabataan kundi pati ng ating bayan.
