SALVAGE VICTIM ISINAKO

TADTAD ng saksak sa likurang hahagi ng katawan ang natagpuang bangkay ng isang hindi pa kilalang lalaking nakasilid sa sako sa gilid ng pantalan sa Manila International Container Terminal sa Tondo, Manila, iniulat ng pulisya nitong Sabado.

Inilarawan ang biktimang may sa taas na 5’3 hanggang 5’6, nakasuot ng navy blue na t-shirt, itim na shortpants, katamtaman ang pangangatawan at may tattoo na Bahala na Gang (BNG)

Base sa ulat ni Det. Bernard Cayabyab ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-5:45 ng hapon noong Marso 20 nang makita ang isang sako na palutang-lutang sa gilid ng pantalan sakop ng MICT sa Barangay 20, Zone 2 sa North Harbor, Tondo.

Nabatid sa report ng pulisya, dakong alas-7:05 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang MPD-Moriones Police Station 2, hinggil sa natagpuang bangkay ng lalaki kaya agad iniutos ni P/Lt. Col. Magno Gaĺlora, station commander, na ikordon ang lugar.

Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya, isang PJ Labores, port worker, ang nakadiskubre sa isang asul na sako sa gilid ng pantalan.

Inusisa niya ang laman ng sako at nagulantang nang makitang isang bangkay ng lalaking tadtad ng saksak ang nasa loob nito.

Naniniwala ang pulisya na salvage victim ang biktima na pinatay sa ibang lugar at doon lamang itinapon sa dagat ang bangkay nito.

Ang bangkay ay pansamantalang inilagak sa Cruz Funeral morgue para sa kaukulang awtopsiya habang patuloy na inaalam ang pagkakakilanlan nito. (RENE CRISOSTOMO)

232

Related posts

Leave a Comment