Sanggol sugatan GINANG, 1 PA NAPATAY NG ‘EX’ BAGO NAG-SUICIDE

LAGUNA – Patay ang isang ginang at isa pang biktima nang pagsasaksakin ng dating live-in partner ng una sa lungsod ng Sta. Rosa sa lalawigang ito, noong Martes ng umaga.

Batay sa report ng Sta. Rosa City Police, sumugod sa bahay ng biktimang si Marissa Macunat Espinosa, 52, ang suspek na si Ruben Junneful Goden, sa Brgy. Macabling at nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.

Humantong ito sa pananaksak ng suspek sa dating ka-live in na agad nitong ikinamatay.

Tinangka naman ng manugang ni Espinosa na si Carol Bermundo Mamaril, na awatin ang suspek at iniharang ang katawan kaya ito ay nasaksak din.

Nasugatan din ang 2-buwang sanggol ni Mamaril na hawak nito nang siya ay masaksak.

Humingi ng tulong si Mamaril sa mga kapitbahay para isugod sila sa ospital ngunit hindi siya umabot nang buhay. Patuloy namang nilalapatan ng lunas ang sanggol.

Sinaksak naman ng suspek ang kanyang sarili at namatay bago pa man dumating ang mga pulis.

Ayon sa hepe ng Sta. Rosa City Police na si P/Lt. Col. Paul Sabulao, selos ang pinag-ugatan ng krimen.

Nabatid naman sa opisyal ng Brgy. Macabling, noong Enero 8 ay nagpa-blotter si Espinosa matapos magbanta ang suspek na papatayin ang buong pamilya. (NILOU DEL CARMEN/CYRILL QUILO)

225

Related posts

Leave a Comment