Sangkot na solons tutukuyin ng PACC BILYONG DPWH INFRA FUNDS IIMBESTIGAHAN

TINIYAK ng Presidential Anti Crime Commission (PACC) na magpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa maaanomalyang transactions sa paggamit ng pondo, kasama na ang pakikipagsabwatan umano sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ng mga kongresista na kukuha ng kickback sa mga infrastructure project.

Sinabi rin ng ahensya na kanila pa ring isusumite kay Pangulong Rodrigo Duterte ang resulta ng kanilang imbestigasyon kahit pa sinabi nito sa nakaraang Ulat sa Bayan na wala itong planong magbulgar ng pangalan ng mga sinasabing korap na mambabatas dahil wala sa hurisdiksyon niya ang pag-iimbestiga sa mga ito.

Ang aksyon ng PACC at kasunod ng expose’ ni Sen. Panfilo Lacson na nasa P650M hanggang P15B ang infrastructure funds na matatanggap ng bawat kongresista sa 2021 national budget.
Ayon kay PACC Commissioner Greco Belgica, hihingin nila kay Sen. Panfilo Lacson ang listahan ng mga infrastructure project sa distrito ng mga mambabatas at kanilang babantayan kung may korupsyon sa pagpapatupad nito lalo na sa mga big ticket projects na pinaglaanan ng bilyong government funds.

“Sisilipin namin yung DPWH budget, yung mga anomalous transactions ang iimbestigahan namin. Our jurisdiction covers presidential appointees, but it was during the course of the investigation that some congressmen were implicated. Not all but some.

Trabaho lang po kami. Kung ano po ang lumabas sa aming imbestigasyon yun lang ang aming irereport. Walang pilian, walang diinan, sa totoo lang. Tama po si pangulo na wala kaming jurisdisction sa congressmen kaya kung may makuha kaming involvement ng mga congressman sa aming imbestigasyon ay ipapasa namin sa Ombudsman at sa Task Force for proper investigation,”paliwanag ni Belgica.

Sinabi ni Belgica na sa kanilang nauna nang isinumiteng report kay Pangulong Duterte ay kanilang tinukoy ang mga corrupt congressman at ito pa rin ang kanilang gagawin. Makikipagtulungan din aniya ang PACC sa Office of the Ombudsman kung kinakailangan para sa pagsasampa ng kaso laban sa mga corrupt na mambabatas.

Kinumpirma ng PACC na nakatatanggap ng 10% hanggang 15% komisyon ang mga kongresista sa infra projects na ginagawa ng DPWH, ani Belgica sa laki ng komisyon ng mga kongresista sa mga proyekto bukod pa sa porsiyento rin ng mga tiwaling DPWH officials, mga contractor at district engineers ay halos 50% na lang ang napupunta sa project cost na siyang dahilan kung bakit maraming sub-standard na mga proyekto.

Samantala, sinabi ni Lacson na hindi pa tapos ang kanyang pagharang sa naglalakihang infrastructure budget ng mga congressman, bagamat tinapos na ng Senado ang period of debates para sa P4.5 Trillion 2021 budget ay hindi nangangahulugang nakalusot na ang mga insertion na ginawa ng House Leadership, aniya, maari pa rin mabago at patuloy niyang kukuwestiyunin sa bicameral conference meeting ang mga isiningit na budget.

Una nang ibinunyag ni Lacson na kanilang napuna ang malaking isiningit sa infrastructure budget ng Kamara nang maupo si House Speaker Lord Allan Velasco kung saan inihalimbawa nito ang isang distrito na mula sa P9 billion na orihinal na budget ay naging P15B habang ang isa naman na P4 billion ay nadoble. (JOEL O. AMONGO)

164

Related posts

Leave a Comment