SANTAMBAK NA PEKE!

HINDI na bago ang mga Pinoy sa mga palsipikado. Pekeng lisensya, pekeng ginto, pekeng salapi – lahat halos palsipikado. Pati mga branded na produkto, meron tayo.

Ganun din sa hanay ng mga peryodista. Ito ang kwento ng isang kaibigang panay ang tanong sa akin kung tunay na taga-media si ganito, si ganun at kung sinu-sino pa. Dangan naman, ang kaibigan kong ito, masipag sa dilang masipag sa pangangalap ng balita.

Sa kanyang pag-ikot sa lalawigan ng Rizal, marami siyang nakakasalamuha – mga politikong switik, mga pulis na hapit, mga sangganong dinakip, at dalawang uri ng peryodista: tunay na taga-media at ang mga dispalinghadong medya-medya.

Ano nga ba ang pagkakaiba ng dalawang klase ng journo? ‘Yung una, hanap ay balita, habang ‘yung isa naman target ay kwarta – wala nang iba pa! Higit silang kilala sa tawag na haoshiao.

Ang totoo, lahat naman ay nangangailangan ng pera, lalo pa’t may kailangang buhayin na pamilya. Pero iba ang diskarte ng mga hao­shiao sa Rizal at iba pang ­probinsya. Bitbit ang kanilang pinangangalandakang press cards na sinlapad ng kanilang mga dibdib, sinusuong kahit masikip. Target nila ang mga politikong switik at mga sindikatong pilipit.

Ang siste, kinakaladkad nila ang pangalan ng mga lehitimong journo, sukdulang ipanakot pati ang isang kaibigan kong kolum­nista, kabilang si Johnny Magalona at marami pang iba.

Kilala ko si Magalona. Katunayan, hindi sapat ang mga daliri ko sa paa’t kamay para bilangin ang mga taong aming pinagsamahan. Madalas sa hindi, magkasalungat ang aming paniniwala pero ang tiyak iginagalang namin ang isa’t isa.

Hindi kami malinis ni Magalona. May mga pagkakataong kami rin ay nagkakabisala. Pero ang sigurado, wala kaming ginagamit na iba.

Sa puntong ito, kami ay nananawagan ng sama-samang pagkilos sa hanay ng mga lehitimong peryodista. Ngayon, higit kailanman, kailangang linisin ang ­ating bakuran ng mga bulok at mapagkunwaring kasamang tagapagbalita.

Kailangan ko pa ba kayong isa-isahin?

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

253

Related posts

Leave a Comment