TITIYAKIN ng pamahalaan na may sapat na suplay ng face shields sa buong Pilipinas.
Ito’y matapos na gawing mandatory ang pagsusuot ng face shield para sa mga mananakay simula sa Agosto 15.
Magkatuwang na pangangasiwaan ng Department of Trade and Industry, at Department of Health ang suplay ng face shields sa bansa.
“Sisiguraduhin naman po ng ating DTI at DOH na dahil ginawang mandatory ‘yan sa pagsakay sa pampublikong sasakyan, magkakaroon po ng supply ang buong Pilipinas,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Nauna rito, inanunsyo ng Department of Transportation na ang mga pasahero ng lahat ng uri ng public transport ay kinakailangan na magsuot ng face shields kasama ng anti-virus masks simula Agosto15.
Hinikayat ng pamahalaan ang publiko na mandatory na magsuot ng face shields sa ibabaw ng face masks bunsod ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ang public transport ay nananatiling suspendido sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan gaya ng Bulacan, Laguna, Cavite, at Rizal dahil sa umiiral na modified enhanced community quarantine.(CHRISTIAN DALE)
