TINIYAK ni Environment Secretary Roy Cimatu kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na may sapat na suplay ng tubig sa bansa para sa taong ito.
Isa si Sec. Cimatu sa dumalo sa Cabinet meeting sa Malakanyang, nitong Lunes, Marso 2.
Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, iprinisinta ni Sec. Cimatu sa Pangulo ang outlook at action plan ng gobyerno para sa nalalapit na panahon ng tag-init.
Kabilang sa inilatag ng kalihim sa Pangulo ay ang resulta ng kanyang pag-inspeksyon sa Angat dam kamakailan.
Aniya, inilahad ni Sec. Cimatu sa Cabinet meeting ang kapabilidad at limitasyon ng Angat dam na siyang nagsusuplay ng mahigit 97 porsiyento ng kabuuang water supply requirement ng Metro Manila.
Sa huli, tiniyak ni Sec. Cimatu sa Pangulo na hindi kakapusin sa tubig ang Metro Manila ngayong taon.
Nauna rito ay inihayag ng National Water Resources Board na hindi na sila magbabawas pa ng alokasyon ng tubig sa dalawang water concessionaires. CHRISTIAN DALE
