Sara for VP nakapuntos ng 54% BBM WALANG TINAG SA 57%

PAGSAMA-SAMAHIN man ang bilang ng mga nakuhang tagasuporta ng ibang aspirante para sa nalalapit na presidential derby, hindi na mapipigilan pa ang napipintong pagtuntong sa Malakanyang ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, batay sa pinakahuling survey ng Publicus Asia Inc.

Sa isinapublikong datos ng Publicus Asia, lumalabas na 57% ng mga Pilipino ang pabor na maging Pangulo ang pambato ng Partido Federal ng Pilipinas para sa May 2022 general elections.

Pumaimbulog na rin ang katambal nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na aspirante sa posisyon ng Pangalawang Pangulo, makaraang magtala ng 54%.

Batay sa survey, nakopo ng dating senador ang pinakamataas na bilang ng mga pabor sa kanyang panunungkulan sa Luzon, Visayas at Mindanao. Pinakamalaki ang natamong bilang ni Marcos sa North Central Luzon at Mindanao kung saan siya nakapagtala ng kambal na 70%.

Nasa malayong ikalawang pwesto naman si Vice President Leni Robredo na nagtala ng 15.4% habang pumangatlo naman si Manila Mayor Isko Moreno na nakakuha lamang ng 6.9% ng mga respondents ng nasabing survey.

Samantala, mistulang nangamote naman ang pambato ng administrasyon na si Senador Bong Go na mayroon lamang 4.1%. Nasa ikalimang pwesto naman si Senador Manny Pacquiao na nakasungkit ng 3%, at Senador Panfilo Lacson na may 2.9%.

Dikit naman subalit nananatiling lamang si Marcos pagdating sa Metro Manila kina Robredo na mayroong 20% at Moreno na nakakuha ng 7%.

Sa pinakahuling resulta ng survey na isinagawa mula Nobyembre 16-18, lumalabas na mas mataas ito ng 7% kumpara sa resulta nito lamang nakaraang buwan kung saan nakapagtala si Marcos ng 50% preference.

Bahagi rin ng datos ang nagsasabing 80% ng mga respondents na pumili kay Marcos ang nagsabing hindi na magbabago ang kanilang isip.

Samantala, 60% ng mga pumili kay Robredo ang nagsabing mananatili sila sa likod ng Bise-Presidente.

Pinakamahina si Robredo sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao.

Sa hanay naman ng mga aspirante sa posisyon ng Bise-Presidente, namayagpag ang alkalde ng Davao City sa Mindanao. Maging sa Metro Manila at Southern Luzon, si Duterte-Carpio ang pinili ng mga lumahok sa Publicus Asia survey.

Tabla naman sa ikalawang pwesto ang dating nangungunang si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senador Kiko Pangilinan at Dr. Willie Ong na pawang mayroong 10% preference.

Sa Mindanao, 42% ng mga respondent ang pumili ng BBM-Sara tandem.

Paglilinaw ng Publicus Asia, tanging mga rehistradong botante lamang ang pinahintulutan nilamg lumahok sa kanilang pinangasiwaang survey.

137

Related posts

Leave a Comment