BUNGA ng patuloy na pagbalewala sa imbitasyon ng Tri-Committee na nag-iimbestiga sa fake news, misinformation at disinformation, tuluyan nang na-contempt ang apat na social media personalities.
Ipinaaaresto na ng Tri-comm sina Allan Troy “Sass” Rogando Sasot, Mark Anthony Lopez, Lorraine Marie Tablang Badoy-Partosa at Jeffrey Almendras Celiz na pawang pro-Duterte media personalities.
Sina Sasot, Badoy at Celiz ay hindi dumalo sa apat na pagdinig ng nasabing komite kaya na-contempt ang mga ito at bagama’t dumalo sa pagdinig ng komite si Lopez noong Marso 21, ay patuloy naman nitong inaatake ang komite.
“Mr. Jeffrey Celiz, Ms. Badoy,’and Ms. Sasot violates section 11 paragraph A, may I respectfully move that the three mentioned name be detained until the committee hearing will be terminated and be detained in the premises of the House,” ayon kay Congressman Joseph Stephen Paduano.
Dahil dito, nagmosyon ang mambabatas na icontempt sina Sasot, Badoy at Celiz na sinegundahan ng kanyang mga kasamahan kaya inaprubahan ng tumayong chairman ng komite na si Surigao Rep. Johnny Pimentel.
“Mr. Chairman, with this blog made by Mr. Mark Lopez, Mr. Chairman, this is in violation of once again section 11 paragraph F of our internal rules, undue interference during the proceedings, Mr. Chairman, or committee investigation,” paliwanag ni Paduano sa kanyang ikalawang mosyon.
Ayon sa mambabatas, nakatanggap ang mga ito ng impormasyon na sina Sasot, Badoy at Celiz ay nasa ibang bansa kaya inatasan nito ang Bureau of Immigration (BI) at Department of Foreign Affairs (DFA) na isumite sa komite ang kanilang mga travel record.
Sakaling bumalik sa bansa ang mga ito (kung totoong nasa ibang bansa), maaari silang arestuhin pagbalik nila sa Pilipinas.
Sina Sasot, Badoy at Celiz ay ikukulong sa Batasan Pambansa complex hanggang hindi natatapos ang imbestigasyon ng komite habang pinatawan naman ng 10 araw na pagkakakulong si Lopez.
(PRIMITIVO MAKILING)
