SC IBINASURA MGA PETISYON LABAN SA NCAP

IBINASURA ng Korte Suprema ang lahat ng petisyong kumukuwestiyon sa legalidad ng No Contact Apprehension Program (NCAP) sa Metro Manila.

Ayon sa Korte Suprema, naging moot o wala nang aktuwal na isyung dapat pagpasyahan ang mga petisyon matapos maipatupad ang Metro Manila Traffic Code of 2023 na nagtatag ng iisang balangkas para sa traffic enforcement at NCAP sa Kalakhang Maynila.

Bukod dito, ibinasura rin ang mga petisyon dahil sa kawalan ng legal standing, hindi paggamit ng mga administratibong remedyo, paglabag sa hierarchy of courts at forum shopping.

Nilinaw naman ng Korte Suprema na ang pagbasura sa mga petisyon ay hindi nangangahulugan na idineklara nitong legal o ilegal ang NCAP.

Aniya, nakabatay lamang ang desisyon sa pagiging moot ng mga isyung inihain at hindi sa konstitusyunalidad ng programa.

Binigyang-diin din ng high tribunal na maaari pa ring kuwestiyunin sa hinaharap ang rebisadong NCAP kung magkakaroon ng aktuwal na kontrobersya kaugnay ng pagpapatupad nito.

Kasabay nito, inalis na rin ng Korte Suprema ang temporary restraining order (TRO) na inilabas noong Agosto 30, 2022 laban sa pagpapatupad ng NCAP sa Maynila, Quezon City, Valenzuela City, Parañaque City, Muntinlupa City, Land Transportation Office (LTO) at iba pang sangkot na ahensya.

(JULIET PACOT)

82

Related posts

Leave a Comment