Walang term extension kay Marantan HIRIT NI JONVIC TINABLA NG MALAKANYANG

SINABI ng Malakanyang na hindi na palalawigin pa ang active service ni Police Brigadier General Hansel Marantan, regional director ng Police Regional Office-4A (Calabarzon), na nakatakdang magretiro ngayong buwan.

Nauna nang hiniling ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa National Police Commission (Napolcom) na palawigin ng isang taon ang serbisyo ni Marantan.

“Wala pong extension para po kay General Marantan. At maaari po siyang makatulong sa ibang pamamaraan,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Nauna rito, sa liham na ipinadala sa Napolcom, sinabi ni Remulla na ang kahilingan ay “para sa interes ng serbisyo” upang matiyak ang pagpapatuloy ng mahahalagang operasyon na kasalukuyang pinamumunuan ni Marantan.

Ayon pa sa kalihim, mahalaga ang pagpapatuloy ng mga high-impact operation sa ilalim ng pamumuno ng heneral.

Nakatakdang magretiro si Marantan sa Hulyo 10 sa edad na 56, ang mandatory retirement age sa Philippine National Police (PNP).

Sa ilalim ng Republic Act No. 6975 o ang DILG Act of 1990, maaaring pahabain ng Napolcom ng hanggang isang taon ang serbisyo ng isang police general kung kinakailangan pa ang kanyang serbisyo sa gobyerno.

(CHRISTIAN DALE)

75

Related posts

Leave a Comment