TINAWAG ng House prosecution team na “gaslighting” sa publiko ang pahayag ng kampo ni Vice President Sara Duterte na dapat sisihin ang Office of the President dahil nahuli umano ang pagpapalabas ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Rep. Alonto Adiong, walang saysay ang argumento ng OVP na kinailangang gastusin ang P125 milyon sa loob lamang ng 11 araw dahil Disyembre na ito nailabas.
“The playing victim card does not hold water. Kasi gaslighting ‘yan, eh,” pahayag ni Adiong.
Pinalagan ni Adiong ang argumento ng OVP na dapat panagutin ang Office of the President dahil noong Disyembre lamang nailabas ang confidential funds sa OVP.
Giit niya, ibinigay ang pondo nang may mabuting hangarin at kailanman ay hindi inatasan ang OVP na ubusin ang buong halaga bago matapos ang taon.
“Wala namang nagsasabing ‘pag binigyan siya ng P125 million, gastusin niya itong buong-buo in 11 days, tapos kung sino-sino lang ‘yung paglalagyan nila at hindi sila mag-liquidate nang maayos,” paliwanag ni Adiong.
Sinabi ni Adiong na dapat ipaliwanag ng OVP kung paano ginasta ang pondo at ipakita na maayos ang liquidation nito sa pamamagitan ng mga legal na Acknowledgment Receipts (ARs) upang hindi ma-flag ng Commission on Audit (COA).
Sa panig naman ni prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., hindi sapat na dahilan ang late release ng pondo upang mawala ang pananagutan sa paggamit nito.
“Ang issue dito ay nagamit ba nang tama yung pondo,” paliwanag ni Tolosa.
Ang P125 milyon ay nakalaan para sa huling quarter ng 2022, mula Oktubre hanggang Disyembre, ngunit nailabas lamang noong Disyembre at dapat na fully disbursed mula Disyembre 21 hanggang 31.
Sa naganap na trial, kinumpirma ng hostile witness na si OVP Assistant Secretary Lemuel Ortonio na naubos ang P125 milyon sa loob ng 11 araw dahil ang mga hindi nagamit na cash allocation ay nawawalan ng bisa sa pagtatapos ng taon at kailangang ibalik sa National Treasury.
Malversation Pinasisilip sa OMB
Samantala, nanawagan si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon sa Office of the Ombudsman na imbestigahan kung nagkaroon ng malversation sina Vice President Sara Duterte at iba pang opisyal ng OVP kaugnay ng paggamit ng confidential funds.
“We call on the Ombudsman to look into whether there is actual malversation committed by Miss Acosta, Mr. Lachica, Vice President Sara Duterte in using the confidential funds. I think it’s clear that these confidential funds were really misused,” pahayag ni Ridon sa isang press conference.
Ang panawagan ay ginawa ni Ridon matapos umamin sa Senate impeachment court si OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta na iniabot niya ang confidential funds kay dating OVP security head Army Col. Raymund Dante Lachica kahit alam niyang hindi ito bonded officer o awtorisadong gumamit ng naturang pondo.
Giit ni Ridon, ang “original sin” sa mga umano’y ilegal na paggasta sa confidential funds ay nagmula mismo kay Duterte at hindi sa kanyang mga tauhan.
Kinuwestiyon din ni Ridon ang malaking halagang ginastos para sa pag-upa ng mga safe house na umaabot sa P16 milyon bawat quarter.
Sinabi ni Ridon na ang naturang halaga ay katumbas umano ng upa sa mga eksklusibong subdivision gaya ng Forbes Park at Dasmariñas Village, gayundin sa mga high-end condominium sa Bonifacio Global City (BGC) at Makati.
Gayunman, giit niya, hindi naman umano maihahambing sa mga naturang lugar ang mga safe house na inupahan.
Sinabi ni Ridon na mahirap paniwalaan ang paliwanag ng OVP ukol sa halaga ng mga safe house na binayaran gamit ang confidential funds, kaya patuloy itong tututukan ng prosecution.
(TINA MENDOZA)
55 