MULING ipinakita ng Korte Suprema ang usad-pagong na pagkilos nito sa mga kasong isinampa rito, sa pagkakataong ito ay tungkol sa 37 petisyon laban sa Anti-Terror Law of 2020 (ATL 2020).
Inamin ng tagapagsalita ng mataas na korte na si Brian Keith Hosaka na walang iskedyul para sa “oral argument” sa isyu ng ATL 2020.
“No schedule has been set by the en banc as of today,” saad ni Hosaka, hapon ng Huwebes.
Hindi binanggit ni Hosaka kung kailan posibleng umusad ang pagdinig hinggil sa naturang usapin.
Mahalaga ang oral argument dahil dito malalaman ng Supreme Court en banc (punong mahistrado at lahat ng mga mahistrado) ang mga argumento pabor at tutol sa nasabing kontrobersiyal na batas.
Matatandaang mabilisang ipinasa ng Kongreso at agad nilagdaan ni Pagulong Rodrigo Duterte ang panukalang pagpapalakas sa Home Security Act of 2007 laban sa terorismo.
Ngunit, umani ng maraming kritisismo ang ATL 2020 dahil sa mga probisyon nitong sadyang lalabag sa karapatang pantao ng mamamayan.
Isa rito ay ang paghuli at pagkulong sa mga pinaniniwalaan ng pamahalaan na opisyal o kasapi ng teroristang grupo nang hindi sasampahan ng kaso sa piskalya o sa korte ng labing apat na araw.
Kapag mali ang pagdakip sa suspek ay hindi maaaring sampahan ng kaukulang kaso ang pulis at sundalong humuli sa kanya.
Nagsimula ang implementasyon ng ATL 2020 nitong Hulyo 18 habang wala pang nagagawang implementing rules and regulations (IRR) ang Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, pagkatapos ng pinal na pag-uusap ng DOJ at Anti-Terrorism Council (ATC) sa Oktubre 14 hinggil sa IRR ay saka lamang ilalabas ang pinal na nilalaman ng IRR ng ATL 2020.
Nagsisilbing gabay ang IRR sa mga otoridad na magpapatupad ng ATL 2020 upang maiwasan ang pag-abuso sa kanilang trabaho at kapangyarihan. (NELSON S. BADILLA)
116
