SCAMMERS, SCHOLARSHIP, US-CHINA, COVID-19 SA SONA NI PDUTERTE

SA kanyang ikalimang Ulat sa Bayan, maraming isyu ang binigyang diin ni Pangulong Rodrigo Duterte bagaman sumentro ito sinapit ng ABS-CBN, banat kay Senador Franklin Drilon, mgaoligarko, Lopezes, Ayalas at pagbuhay sa death penalty.

Tinalakay rin niya ang paghabol sa mga online scammer, US-China conflict, scholarship sa mga anak ng OFWs, pag-unawa ng mga landlord sa kanilang tenants at marami pang iba.

SCAMMERS

Siniguro ni Pangulong Duterte na hahabulin ng pamahalaan ang mga online scammer sa pamamagitan ng pagpapalakas sa pagpapatupad ng data protection at privacy law.
Welcome naman kay Pangulong Duterte ang developments sa e-commerce industry.

Aniya, ang “borderless environment” ay nangangailangan ng mahigpit na regulatory controls.

SCHOLARSHIP

Hiniling naman ni Pangulong Duterte sa Commission on Higher Education (CHED) na magbigay ng scholarship programs sa mga dependent ng overseas Filipino workers (OFWs) na ang kabuhayan ay apektado ng coronavirus pandemic.

US VS CHINA

Nagpahayag din ng pagkabahala si Pangulong Duterte sa ideya na mag-host ang Pilipinas ng foreign troops sa gitna ng lumalakas na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at China. Naiulat na gusto ng US na muling magtatag ng military base sa Subic, Zambales.

Isinara ang Subic Naval Base noong 1992 matapos na bumoto ang Philippine Senate laban sa ekstensyon ng US military presence sa bansa.

“I have nothing against America. I have nothing against China,” ayon sa Pangulo.

APELA SA LANDLORDS

Umapela naman si Pangulong Duterte sa mga landlord na maging maawain sa kanilang mga tenant lalo pa’t marami ang patuloy na nakikipagpambuno sa financial challenges na dulot ng coronavirus pandemic.

Ayon kay Pangulong Duterte, ang mga lessor ay kailangan magbigay ng “amenable” arrangements sa kanilang mga tenant kung paano babayaran ang kanilang utang na renta o upa matapos na atakehin ng pandemiya ang financial stability ng milyong mga Filipino.

NURSING EDUCATION

Tinawagan din ng pansin ni Pangulong Duterte ang Kongreso na magpasa ng batas ukol sa nursing education at magtatag ng medical reserve corps.

“We hail our health professionals as heroes. Now is the time to pass the Advanced Nursing Education Act and the law instituting the Medical Reserve Corps,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang ikalimang State of the Nation Address.

COVID-19

Hindi nawala sa SONA ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagtugon ng pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sinabi ni Pangulong Duterte na ang polisiya kabilang na ang lockdowns, ang dahilan para mapigilang mahawa ang 3.5 milyong katao sa nasabing virus base sa pagtaya ng mga eksperto.

Aniya pa, ang pagbubukas ng ekonomiya sa “pre-COVID-19 levels” nito ay hindi maituturing na opsyon sa gitna ng bilang ng bagong infections sa buong bansa.

Noong nakaraang Mayo, nagsimula na ang Pilipinas ng partial reopening ng negosyo para pasiglahin ang ekonomiya ng bansa.

ISYUNG MAS MAHALAGA

AGAD namang inilatag ni Senador Joel Villanueva ang mahahalagang isyung dapat aniyang tinalakay ni Pangulong Duterte sa State of the Nation Address (SONA) upang mabigyan ng solusyon sa harap ng patuloy na pananalasa ng corona virus 2019 (COVID-19).

Sa pahayag, unang kinuwestiyon ni Villanueva ang Department of Budget and Management (DBM) kung saan ginamit ng administrasyong Duterte ang multi-bilyong inutang sa international financial institutions tulad ng Asian Development Bank at World Bank.

Sinabi ni Villanueva, chairman ng Senate committee on labor, employment and human resources development, na ipinahayag ng DBM na umabot sa P3000+ ang pondong nagamit sa corona virus 2019 (COVID-19) na internally financed mula sa savings at realignment ng budget.

Kasabay nito, gusto rin malaman ni Villanueva kung babaguhin ang “Build, Build, Build” projects upang umangkop sa economic recovery plan.

Samantala, nagpahayag din ng pagkadismaya ang mambabatas dahil walang nailatag ang Pangulo sa kanyang hinggil sa kumprehensibong plano upang tugunan ang kawalan ng trabaho sanhi ng COVID-19.

Hindi rin umano napahalagahan sa SONA ang ilang manggagawa na itinuturing na frontliners tulad ng street sweeper at garbage collector na patuloy ang nagtrabaho sa kabila ng pagkalat ng virus. (CHRISTIAN DALE/ESTONG REYES)

179

Related posts

Leave a Comment

ADVERTISE WITH US!

Email: advertise@saksingayon.com

Phone: 7757-2769

Address: #85 Unit F, Scout Rallos St., Brgy. Sacred Heart, Diliman, Quezon City